2nd Pet And Owner Fun Run, Isasagawa


 

2015-09-28

 

 

Sa ikalawang pagkakataon ay pangungunahan ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Provincial Veterinary Office ang sama-samang pagtakbo kasama ang kanilang mga alagang aso sa October 4, 2015 sa ganap na alas-5:30 ng umaga, sa P-Walk Pacific Mall, Lungsod ng Lucena.

 

Ayon kay Dr. Flomella Caguicla, Provincial Veterinarian na layunin ng naturang aktibidad na ipakita at ipamulat sa bawat isa ang responsableng pag-aalaga ng hayop partikular ang aso.

 

Ito ay kaugnay din sa paggunita sa World Rabies Day at bilang pagsuporta sa adhikain ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez na maging Rabies Free ang buong lalawigan ng Quezon.

 

Ang mga lalahok sa naturang pet and pet owner fun run ay maaaring makapagparehistro ng libre sa kategoryang 1K at 2K run at may libreng singlet sa mga mauunang magpapatala.

 

Maaaring maagang magparehistro sa Provincial Veterinary Office, G/F Social Services Building, Capitol Compound at sa Handyman, 2nd Flr., Pacific Mall, Lucena City.

 

Inaanyayahan din ni Caguicla ang lahat ng mga may alagang hayop na magtungo sa naturang lugar upang mabendisyunan ang kanilang mga alagang hayop pagkatapos ng fun run kaugnay naman ng kapistahan ni St. Francis of Assisi na patron ng mga hayop at kapaligiran.

 

Ito ay bahagi ng programa ng Provincial Veterinary Office sa ilalim ng Serbisyong Suarez sa Paghahayupan sa pakikipagtulungan sa Pacific Mall, Handyman, Zoom Bark Lucena at Provincial Rabies Prevention Control and Eradication Committee (PRPCEC).

 

Para sa iba pang impormasyon at katanungan, magtungo lamang sa Provincial Veterinary Office o tumawag sa (042) 373-2753, 0928-5595984. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK