Kaso ng Rabies sa Lalawigan ng Quezon, Patuloy na Tinututukan; World Rabies Day, Ginugunita


 

2015-09-28

 

 

Ang pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa pamamagitan ng Provincial Rabies Prevention, Control and Eradication Committee na pinangungunahan ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez ay nakikiisa sa paggunita sa World Rabies Day ngayong ika-28 ng Setyembre, 2015.

 

Ayon kay Provincial Veterinarian Dr. Flomella Caguicla, ito ay isang pandaigdigang kampanya para maiparating sa lahat ang tungkol sa panganib na dulot ng rabies ngunit isang panganib na kayang iwasan.

 

“Kailangan lang na pabakunahan ang mga alagang aso o pusa at kung sakaling nakagat ng aso o pusa ay pumunta kaagad sa pinakamalapit na Animal Bite Treatment Center na sa ngayon ay mayroon nang 28 sa buong lalawigan ng Quezon.

 

Ayon pa kay Caguicla na base sa tema ngayong taon na “End Rabies Together” ay kinakailangan ang pagtutulungan ng bawat isa upang tuluyang mawala ang rabies hindi lamang sa ating lalawigan maging sa buong bansa.

 

Ibinalita din ni Caguicla na ngayong taon ay naiakma na ang provincial ordinance ng Quezon laban sa rabies sa Anti-Rabies Act of 2007.

 

Ngayong taong ito, base sa ulat ng Provincial Veterinary Office ay may napatalang positibong apat na kaso ng rabies sa aso na nagmula sa Mauban ang dalawa, isa sa Gumaca at isa sa Unisan.

 

Dagdag pa ni Caguicla na pitong tao ang nakagat ng naturang mga aso na may rabies ngunit nailigtas sa tulong ng Integrated Provincial Healht Office (IPHO) dahil sa mabilis na pag-uulat ng lokal na pamahalaan sa kanilang tanggapan.

 

Samantala, ayon naman sa ulat ni Dr. Grace Santiago ng IPHO na aktibong aktibong nakikiisa sa kampanya laban sa rabies kasama ang 16 na ospital nay mayroong Animal Bite Treatment Center ay nakapagtala noong nakaraang taon ng labingtatlong (13) taong namatay dahil sa kagat ng aso o ng rabies.

 

Ngayong 2015 ay mayroon ng limang (5) napatalang namatay dahil sa rabies na nagmula sa bayan ng Sariaya, Pitogo, Lucban, Tiaong at Guinayangan.

 

Sa kasalukuyan ay patuloy ang pag-iikot ng tauhan ng Provincial Veterinary Office sa buong lalawigan upang magsagawa ng libreng pagbabakuna ng mga aso at pusa.

 

Hiniling din ni Caguicla sa lahat ng kawani ng pamahalaang panlalawigan na maging bahagi sa kampanya ng pamahalaang panlalawigan at ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez na maging Rabies Free ang buong lalawigan ng Quezon. (Reygan I. Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK