10 Nagbabalik-Loob sa Pamahalaan, Tumanggap ng Tulong Pinansyal


 

2015-09-22

 

 

Tumanggap ng kabuuang P65,000.00 bawat isa ang sampung nagbabalik-loob sa pamahalaan bilang tulong pinansyal para sa pangkabuhayan mula sa pamahalaang panlalawigan katuwang Department of Interior and Local Government (DILG) – Quezon noong September 21, 2015 sa tanggapan ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez.

 

Ayon kay DILG Provincial Director Vilma de Torres, ang naturang halaga na para sa immediate assistance na nagkakahalaga ng P15,000.00 at livelihood assistance na P50,000.00 ay mula sa Comprehensive Local Integration Program (CLIP).

 

Ayon pa kay De Torres na layunin ng pamahalaan sa pamamagitan ng DILG at sa pakikipagtulungan sa Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) na tuloy-tuloy na mapanatili ang katahimikan at kapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at iba’t ibang grupo sa adhikaing pangkapayapaan sa lalawigan ng Quezon.

 

Layunin din nito na sagutin at resolbahin ang mga pang-internal na hindi pagkakasundo ng iba’t ibang samahan o pagkilos laban sa isa’t isa at ang mga ugat na dahilan na nakapaloob dito.

 

“Ang implemetasyon ng programang ito ay isang community-based na pagtulong upang direktang matugunan ang mga problemang pang-ekonomiya, pang-sosyal at pangsikolohiyang rehabilitasyon ng mga nagbabalik-loob,” dagdag pa ni De Torres.

 

Samantala, hinikayat ni De Torres na ilaan sa tunay na mungkahing proyekto ang halagang tulong na ipinagkaloob sa kanila upang maging daan sa panibagong buhay.

 

Ang pagkakaloob ng naturang tulong ay pinangunahan nina Provincial Administrator Rommel Edaño, DILG Provincial Director Vilma de Torres, Provincial Social Welfare and Development Officer (PSWDO) Sonia Leyson kasama sina 201st Brigade Commander Col. Roderick Parayno at 202nd Brigade Commander Col. Rodel Mauro Alarcon.

 

Matatandaan na noong nakaraang taon ay 26 na nagbalik-loob sa pamahalaan ang nabigyan ng katulad na tulong sa pangunguna ni Governor David C. Suarez at bukod sa halagang ipinagkaloob ay sinigurong makakasama ang mga ito sa mga programang ipinatutupad ng pamahalaang panlalawigan.

 

Naniniwala si Governor Suarez na ang pangunahing aspeto sa programang pangkaunlaran ay ang pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan ng buong lalawigan ng Quezon.

 

Ang pinansyal na tulong na ipinagkaloob sa mga nagbabalik-loob sa pamahalaan ay bahagi ng CLIP na ipinatutupad ng OPAPP na ibinaba sa Provincial Office ng Department of Interior and Local Government (DILG) at ang pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa pamamagitan ng PSWDO ang nagsilbing focal point of authority at namamahala sa naturang programa simula 2011 at inilipat sa Provincial DILG noong May 15, 2014 sa pamamagitan ng Joint Memorandum Circular of OPAPP at DILG. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK