Magiging Epekto ng El Niño Sa Quezon, Pinaghahandaan


 

2015-09-21

 

 

 

Pinaghahandaan na ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa pamumuno ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez ang maaaring maging epekto ng El Niño o matinding tagtuyot sa buong lalawigan ng Quezon.

 

Ayon kay Provincial Administrator Rommel Edaño, dapat lamang itong paghandaan at maraming nakalatag na programa ang pamahalaang panlalawigan para dito.

 

 “Nakakapangamba dahil marami tayong mga magsasaka ang maaaring maapektuhan ng El Niño at sa ginagawang paghahanda ay higit nating mababawasan ang maaaring epekto nito,” dagdag pa ni Edaño.

 

Inatasan na ni Governor Suarez Provincial Agriculturist Office sa pamumuno ni Roberto Gajo at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa pamumuno ni Dr. Henry Buzar na gumawa ng mitigation plan para dito.

 

Base sa ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) kabilang ang lalawigan ng Quezon sa maaapektuhan ng El Nino simula ngayong buwan ng Setyembre hanggang sa unang kalahating taon ng 2016.

 

Ayon naman kay Provincial Agriculturist Gajo, mahalaga na alam natin kung paano tayo makakatugon sa epekto ng el niño partikular sa sektor ng agrikultura.

 

Kabilang dito ang pagtutok sa mga irrigated areas na dapat mas palakasin ang produksyon para hindi tuwirang maapektuhan ang ani ng mga magsasaka at hindi maapektuhan ang suplay ng pagkain sa lalawigan at sa buong bansa.

 

Gayundin ang pag-shift sa ibang commodity dahil may mga lugar na hindi na pwedeng magtanim ng isang uri ng commodity, halimbawa ng mais pero pwede pang magtanim ng mga short-term crops tulad ng monggo, sitaw at iba pa.

 

Tututukan din ang mga lugar na hindi na maaaring taniman sa sobrang tagtuyot at hindi na magkakaroon ng suplay ng tubig na magkakaroon ng malaking kabawasan sa produksiyon ng pagkain sa lalawigan.

 

Ayon pa kay Gajo na bahagi ng paghahanda ng pamahalaang panlalawigan ay ang malawakang pagsasanay na ginagawa ng tanggapan ng panlalawigang agrikultor sa iba’t ibang samahan ng mga magsasaka at mangingisda sa lalawigan.

 

Samantala, habang nagsasagawa ng paghahanda ay patuloy pa rin ang mga programang ipinagkakaloob ng Serbisyong Suarez sa Agrikultura sa buong Quezon. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK