Coastal Clean-Up, Isinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan


 

2015-09-21

 

 

Umabot sa 260 sako na may timbang na apat na libo at apat na daan at siyamnapung kilo (4,490 kgs.) ng mga hindi nabubulok na basura ang nakuha sa dalampasigan ng Barangay Dalahican sa lungsod ng Lucena noong September 18, 2015.

 

Ang naturang gawain ay taon-taong isinagasagawa ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa pamamagitan ng Provincial Government – Environment and Natural Resources Office (PG-ENRO) bilang pakikiisa sa International Coastal Clean-Up at bahagi ng programa ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez sa ilalim ng Serbisyong Suarez sa Kalikasan at Securing Quezon’s Future.

 

Ayon kay Manny Calayag, Assistant PG-ENRO napakahalaga ng mapanatiling malinis ang dalampasigan sa kalusugan ng mga maninirahan malapit dito at sa yamang-dagat na pinagkukunan ng mga pagkain at ikinabubuhay ng mga ito.

 

Panawagan din ng pamahalaang panlalawigan na hindi lamang tuwing araw ng Internalnational Coastal Clean-up Day nagsasagawa ng paglilinis ang mga residente ng naturang lugar ngunit maging ugali na ang paglilinis araw-araw at darating ang panahon na hindi na kinakailangang magsagawa ng international coastal clean-up sa naturang lugar dahil napanatili nito ang kalinisan.

 

Hiniling din ni Calayag sa pamahalaang barangay ng Dalahican na patuloy na magsagawa ng information and education campaign para matuto ang mga residente sa tamang pagtatapon ng mga basura at pangangalaga sa kapaligiran at kalikasan na isa sa pangunahing tinututukan ni Governor Suarez.

 

Aminado naman ang pamunuan ng barangay na ang unang may responsibilidad sa kalinisan ng dalampasigan nito ay ang mga mamamayan ng Dalahican kaya naman iminumulat nila na sila mismo ang unang dapat kumikilos.

 

Katuwang ng pamahalaang panlalawigan sa naturang gawain ang ABE Business College, Environmental Management Bureau – Quezon (EMB-Quezon), pamahalaang barangay ng Dalahican, Energy World Corporation Limited, Philippine Coast Guard, AFP, Department of Public Works and Highway (DPWH), 4Ps ng Barangay at kababaihan ng Dalahican. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK