Building Resilient Communities in Quezon Program, Sisimulan na


 

2015-09-14

 

 

Sa patuloy na pagsusulong ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez na magkaroon ang lalawigan ng Quezon ng gender responsive community-based disaster risk reduction and management ay nakatakdang simulan ang bagong programa na may kaugnayan dito.

 

Ang programa na tinawag na Building Resilient Communities in Quezon (BRaCe Quezon) ay binuo ng Southern Luzon State University, pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa pamamagitan ng Provincial Gender and Development Office (PGAD) at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) katulong ang DILG-Quezon.

 

Layunin ng naturang programa na mapalakas ang mga komunidad sa lalawigan ng Quezon sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng climate change adaptation at disaster risk reduction sa pamamahala, women empowerment, kabuhayan at community development ng mga bayan sa paligid ng Tayabas Bay, Lamon Bay at Ragay Gulf.

 

Ang programa ay binubuo ng tatlong bahagi, una ang DRREAM o Disaster Risk Reduction and Environmental Advocacy Managers na bubuoin ng mga guro ng SLSU na magsisilbing module developer, trainer, resource speaker at facilitator ng dalawa pang bahagi.

 

Ikalawa ang BETTER o Barangay Empowerment and Transformation towards Resiliency na naglalayong patatagin ang mga barangay at komunidad para sa disaster preparedness at response na bubuoin ng mga pagsasanay upang malinang ang mga kapasidad hindi lamang ng mga opisyal ng barangay maging ng mga miyembro ng komunidad.

 

Ikatlong bahagi ay ang POWERD o Preparing and Organizing Women for Efficient and Resilient community during Disasters na naglalayong patatagin ang kapasidad ng mga kababaihan sa pagtugon at paghahanda bago ang sakuna.

 

Ayon kay Claudine Dayo, kinatawan ng SLSU na hindi maitatanggi na tuwing may nagaganap na sakuna ang may mataas na mortality rate ay mga kababaihan sapagkat sila ang mga naiiwan sa bahay at sila ang kalimitang umaalalay sa mga bata at nakatatanda.

 

Ipatutupad ang naturang programa sa tatlumpu’t tatlong (33) munisipalidad sa Quezon na magtatagal ng limang taon mula ngayong taong 2015 hanggang 2020.

 

Ang naturang mga munisipalidad ay kinabibilangan ng labindalawang (12) munisipalidad sa baybayin ng Tayabas Bay, labing-anim (16) sa bahagi ng Lamon Bay at lima (5) sa bahagi ng Ragay Gulf.

 

Ang programa ay pasisimulan na matapos lumagda sa memorandum of agreement ang pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ni Provincial Administrator Rommel Edaño bilang kinatawan ni Governor Suarez, SLSU sa pamumuno ni Dr. Milo Placino at DILG-Quezon sa pamumuno ni Provincial Director Vilma de Torres.

 

Lumagda din sa naturang kasunduan ang PDRRMO sa pamumuno ni Dr. Henry Buzar at PGAD sa pamumuno ni Ofelia Palayan na may kanya-kanyang tungkulin sa pagpapatupad ng naturang programa. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 

Photo Caption:

Lumagda sa Memorandum of Agreement on Building Resilient Communities in Quezon ang Southern Luzon State University sa pamumuno ni Dr. Milo Placino, pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ni Provincial Administrator Rommel Edaño, PGAD Head Ofelia Palayan, PDRRMO Dr. Henry Buzar at DILG-Quezon Provincial Director Vilma de Torres na sinaksihan ng ilang mayor at vice-mayor sa lalawigan.

 
 
BACK