Skills Training on Vegetables Processing, Packaging, Labeling and Marketing, Isinagawa sa Quezon


 

2015-09-09

 

 

Sumailalim sa pagsasanay tungkol sa Vegetable Processing, Packaging, Labeling and Marketing ang tatlumpung (30) kasapi ng Home Economics Extension of the Philippines (HEEAP) Quezon Chapter, kamakailan.

 

Ang nasabing mga kasapi ay mula sa iba’t ibang bayan ng lalawigan ng Quezon na binubuo ng mga Agricultural Techonlogist, mga pangulo ng Rural Development Club, kasapi ng KALIPI at mga piling kawani ng tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor.

 

Ang pagsasanay ay naisagawa sa pagtutulungan ng Agricultural Training Institute (ATI), DA-RFO 4A sa pangunguna ni Gng. Piamonte Cosico, Center Director ng ATI sa pakikipag-ugnayan sa pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez sa pamamagitan ng tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor.

 

 Ayon kay Roberto Gajo, Provincial Agriculturist, layunin ng nasabing pagsasanay na makatulong sa mga kababaihan ng lalawigan upang maitaas ang kanilang antas ng pamumuhay at magawan ng paraan na maiimbak ang mga sobrang gulay at prutas mula sa kanilang naaning produkto.

 

Dagdag pa ni Gajo na ang mga agricultural technologist na tinaguriang “change agents” at bumababa sa mga barangay ay sila ang maaaring  magturo ng mga paraang ito ayon sa kanilang napag-aralan.

 

Ayon sa pangulo ng HEEAP ay kapaki-pakinabang ang nasabing pagsasanay sa dahilang makakatulong ito sa pagne-negosyo ng mga nabiyayaan ng Food Cart ni JuANA na programang pagkabuhayan ni Governor Suarez at Unang Ginang Ana Villaraza-Suarez para sa mga kababaihan ng lalawigan.

 

Dito ay maaari nilang itinda ang mga produktong organiko at masustansya tulad ng sweet potato catsup, sweet potato burger, sweet potato macaroons, kalabasa catsup, kalabasa candy, kalabasa rolls, eggplant burger, eggplant jam, at puto de moringga o malunggay.

 

Kabilang sa mga naging tagapagsalita at tagapagsanay ay sina Ma. Leonilie Dimalaluan para sa vegetable production sa lalawigan; Joy Siaga mula sa Laguna State Polytechnic University ng tungkol sa nutritional and health benefits ng putas at gulay at processing methods; Jenny Bronborac mula sa DOST-Los Baños ng tungkol sa food safety at labeling at Editha Salvoza mula sa AMAD DA-RFO 4 na nagturo tungkol sa marketing ng mga produkto. (Reygan Mantilla-Quezon PIO/OPA-Info. Unit)

 
 
BACK