School-Based Immunization Program, Isasagawa sa Lalawigan ng Quezon


 

2015-09-01

 

 

Nakatakdang isagawa ngayong buong buwan ng Setyembre ang School-Based Immunization Program ng Department of Health sa pakikipagtulungan ng Quezon Provincial Health Office kasama ang Department of Education (DepEd), Department of Interior and Local Government (DILG) at local government units sa lalawigan ng Quezon.

 

Ayon kay Dr. Agripino Tullas, Provincial Health Officer na layunin ng naturang programa na mabakunahan ang mga pumapasok na estudyanteng nasa Grade 1 at Grade 7 ng mga bakunang rekomendado ng Department of Health na Measles-Rubella (MR) at Tetanus-Diphtheria (Td).

 

Ang isasagawang pagbabakuna na suportado ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez ay libreng ipagkakaloob at may pangunahing layunin na mapalakas ang resistensya at proteksyon ng mga kabataan laban sa mga sakit na maaari namang maiwasan sa pamamagitan ng pagpapabakuna.

 

Ipinagbibigay-alam din ni Tullas na kinakailangan ang aprubadong parental consent o pahintulot mula sa mga magulang ng nasabing mga estudyante para sila ay mabakunahan.

 

Hinihiling din ni Tullas ang pakikiisa at suporta ng mga magulang upang maging matagumpay ang school-based immunization program ngayong buong buwan ng Setyembre.

 

Ang naturang programa na may temang “Bakuna para sa kabataan, proteksyon sa kinabukasan” ay nationwide free vaccination program para sa mga batang mag-aaral sa grade 1 at 7. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK