Programang Pangkabuhayan, Handog sa mga Kababaihan


 

2015-08-25

 

 

Bahagi ng pagpapalakas ng sektor ng agrikultura ay ang pagtutok ng pamahalaang panlalawigan sa iba’t ibang mga kooperatiba at samahan na pinagkakalooban ng tulong tulad ng gamit pansakahan, makinarya, tulong puhunan at mga pagsasanay upang umunlad ang kanilang samahan at makatulong sa kanilang miyembro partikular sa mga kababaihan.

 

Ito ang isa sa iniulat ni Governor David “Jay-Jay” Suarez sa kanyang ika-limang State of the Province Address noong ika-24 ng Agosto, 2015 sa Quezon Convention Center, Lungsod ng Lucena.

 

Ayon kay Governor Suarez, napalakas ni Unang Ginang Anna Villaraza-Suarez ang boses ng mga kababaihan dahil sa nakalipas na apat na taong pag-iikot ng unang ginang sa mga kasuluksulukang barangay ng lalawigan upang makapanayam at makadaupang palad ang mga kababaihan.

 

Sa pagnanais ng pamahalaang panlalawigan at unang ginang na magkaroon ng dagdag na kita ang isang Juana ay inilunsad ang Tahanan ni Juana na tututok sa mga programang pangkabuhayan.

 

Sa ilalim ng programang ito, inilunsad ang Food Cart ni Juana na sa loob ng apat na buwan ay nakapamahagi nan g 97 food carts na pinakikinabangan ng 28 samahan ng Rural Improvement Club (RIC) at 4-H Club at 69 na samahan ng Kalipunan ng Liping Pilipina (KALIPI).

 

Ang naturang mga benepisaryo ay sumailalim sa iba’t ibang pagsasanay tulad ng entrepreneurial skills, good manufacturing practices, food processing technology, bookkeeping, accounting at financial management.

 

Tiniyak din ng gobernador na sa darating na mga buwan ay mas marami pang ipatutupad na proyektong pangkabuhayan ang Tahanan ni Juana katuwang ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

 

“Ang pagsusumikap po ng isang ama at ang pagsasakripisyo ng isang ina ay may iisang layunin, ito ay upang itaguyod ang kanilang mga anak. Bilang mga magulang, ang nais natin sa ating mga anak ay ang magandang buhay, mas maganda sa kung ano ang buhay natin ngayon, na ang hirap na ating pinagdaanan ay sana hindi nila maranasan,” ayon sa gobernador. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK