Programang Pang-Edukasyon, Tinututukan ng Pamahalaang Panlalawigan


 

2015-08-25

 

 

“It is the duty of government to protect, to preserve and to provide the proper avenue for the youth to achieve their dreams and to perfect their true potentials as an individual.”

 

Ito ang naging pahayag ni Governor David “Jay-Jay” Suarez patungkol sa programang pang-edukasyon sa kanyang ika-limang State of the Province Address noong ika-24 ng Agosto, 2015 sa Quezon Convention Center, Lungsod ng Lucena.

 

Kabilang sa programang ito ang pagkakaroon ng Quezon Science High School (QSHS) kung saan naganap ang kauna-unahang pagtatapos ng pitumpu’t isang mag-aaral at karamihan sa kanila ay nakapasa sa mga top universities sa ating bansa.

 

Sa kasalukuyan ay mayroon ng 282 scholars sa naturang paaralan na patuloy na umuunlad.

 

Kamakailan ay binuksan sa naturang paaralan ang kauna-unahang Halamanan ng Karunungan o Garden of Knowledge. Dito ay makikita ang mga endemic at indigenous na halaman at puno ng lalawigan at ang iba’t ibang uri ng halamang gamot.

 

Itatayo din sa QSHS ang bagong tatlong palapag na Science Laboratory Building na manggagaling sa Quezon Power Limited at dalawang palapag na gusali na mayroong anim na silid-aralan na manggagaling naman sa Department of Education.

 

Ayon pa sa gobernador na tuloy-tuloy ang computer literacy program sa high school level upang makasabay ang mga kabataan sa hamon ng makabagong panahon at sa kasalukuyan ay mayroong 94 operational computer laboratories sa iba’t ibang high school sa lalawigan ng Quezon.

 

Kabilang din sa programang pang-edukasyon ang pagpapalakas ng Day Care Service Program na sa kasalukuyan ay napagkalooban na ng mga TV, DVD at instructional materials sa 375 day care center at nakapagpatayo na ng 35 day care center sa lalawigan.

 

Gayundin, ang paglalaan ng pondo para sa pagsasanay ng mga guro at nabigyan sila ng pagkakataong makapagpatuloy ng kanilang pag-aaral hanggang master’s degree.

 

Naglaan din ang pamahalaang panlalawigan ng pondo para sa review ng mga gurong gustong maging principal na nagresulta sa pagkakaroon ng pinakamaraming nakapasa sa National Qualifying Exam for School Head ang Quezon Division sa buong CALABARZON.

Patuloy namang umaagapay ang Serbisyong Suarez Scholarship Program sa mga kabataang makapagpatuloy ng kanilang pag-aaral sa kolehiyo na may suliraning pinansyal.

 

Sa kabuuan ay mayroon nang 12,581 iskolar ang programa at 4,775 dito ay nagtapos na sa ilang pampubliko at pribadong kolehiyo sa lalawigan.

 

Pagkatapos ng kanilang pag-aaral ay nakaantabay sa kanila ang Provincial Employment Service Office (PESO) at sa kasalukuyan ay mayroon ng 6,288 na Quezonian ang natulungan na makahanap ng maayos na trabaho at sa susunod na buwan ay panibagong 800 ang magkakaroon ng trabaho.

 

“I always believe that investing in the minds of our youth is one of the most sound investments a government can make. Ito ang pinakabuod ng layunin ng ating programang pang-edukasyon, magbigay oportunidad, tumulong sa nangangailangan upang marating ang kani-kanilang mga pangarap,” pahayag ng gobernador.

 

Inihalimbawa ng gobernador si Vicente Gacola na dating iskolar ng Serbisyong Suarez na nangarap, nagsumikap at naging matagumpay sa kabila ng mga hinarap na pagsubok sa buhay. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK