Serbisyong Pangkalusugan, mas Pinalakas at Pinalawak


 

2015-08-25

 

 

Mas pinalakas ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa pamumuno ni Governor David “Jay-Jay” Suarez ang sektor ng kalusugan sa buong lalawigan ng Quezon.

 

Ayon kay Governor Suarez sa kanyang ika-limang State of the Province Address noong ika-24 ng Agosto, 2015 sa Quezon Convention Center na sa nakalipas na limang taon ay naging malawakan ang pagsasaayos at pagpapagawa ng mga pasilidad-pagamutan.

 

Naglagay din ng mga bagong kagamitan, kumuha ng karagdagang medical personnel at tiniyak na may steady supply ng gamot.

 

Makikita sa mga ospital ang mga karagdagang serbisyo at pasilidad tulad ng sa Gumaca District Hospital na triple na ang naa-accommodate sa emergency room, mayroon ng Animal Bite Center ang Dona Marta Memorial District Hospital sa Atimonan at Mauban District Hospital, may bagong emergency building, x-ray machine at ECG ang Maria L. Eleazar District Hospital sa Tagkawayan, may blood chem analyzer at ECG na ang Polilio District Hospital.

 

Mayroon na ring Essential Newborn Care at Newborn Hearing ang Guinayangan Medicare Community Hospital at Sampaloc Community Hospital. Nadagdagan ang dental services at naging level II ang laboratory ng San Francisco Municipal Hospital at ang San Narciso Municipal Hospital ay mayroon ng Basic Emergency Obstetrics, Newborn Care Unit at Operating Room.

 

Sa bahagi ng Quezon Medical Center, bukod sa mga naiulat ng CT scan, dialysis center, blood center at women’s health center ay nabuksan na din ang Pay Ward ng QMC Annex at bukod sa magagandang room nito ay maipagmamalaki din ang QMC na nag-iisang ospital na may siyam na individualized intensive care unit (ICU).

 

Ayon pa sa gobernador na noong nakaraang taon ay kinilala ang Gumaca District Hospital bilang isa sa pinakamagagandang District Hospital sa bansa.

 

Binuksan naman sa bayan ng Infanta ang bagong gawang Claro M. Recto District Hospital noong June 12, 2015, Araw ng Kalayan na sumisimbolo sa kalayaan mula sa pangamba, takot at agam-agam sapagkat malaki na ang tiwala ng mga mamamayan sa serbisyong naihahatid ng mga ospital.

 

Umabot naman sa 217,350 ang nakinabang sa Serbisyong Suarez Health Coupon. Ipinatupad ang Serbisyong May Ngiti upang tiyakin na ang mga pasyente ay inaasikaso ng maayos at hinaharap ng may respeto.

 

Pinalakas din ang Discipline Committee para imbestigahan ang mga sumbong ng mga kababayan natin laban sa mga kawaning hindi sumusunod sa mga repormang ipinatutupad.

 

Ipinagbigay-alam naman ni Governor Suarez na ngayong taon ay kikilalanin ng pamahalaang panlalawigan ang mga mahuhusay at magagaling na kawani ng mga ospital na sumusunod sa adhikain na maihatid ang magandang serbisyo sa mga mamamayan sa pamamagitan ng Hermano Puli Service Award.

 

Isa pa sa repormang ipinatupad ng pamahalaang panlalawigan ay ang Performance Based Incentive Sharing mula sa PhilHealth sapagkat naniniwala ang gobernador na dapat lamang ibigay ang mas malaking insentibo sa mga taong karapat-dapat.

 

Mas pinalawak din ang gampanin ng Serbisyong Suarez Help Desk na dati ay umaalalay lamang sa mga pasyenteng ipinapasok sa ospital ngunit ngayon ay sila na din ang nag-aasikaso sa mga pasyente para sa No Balance Billing Program ng PhilHealth.

 

Sa programang ito, sa halip na magbayad ang pasyente ng P30,000, P50,000, P80,000 depende sa kanilang bill ay ipinapasok sa Sponsorship Program ng PhilHealth at dahil dito ay wala na silang binabayaran at kung meron man ay P1,200 na lamang. At sa tulong ng PhilHealth ay mayroon ng 5,178 ang natulungan ng programa.

 

Pinasalamatan naman ni Governor Suarez si Vice-Governor Sam Nantes, Dir. Betty Nantes at ahensya ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa pagkakaloob ng 24 na ambulansya sa lalawigan noong July 13, 2015.

 

Pinasalamatan din ng gobernador ang Department of Health sa napakalaking tulong na ibinibigay sa lalawigan ng Quezon kung kaya’t patuloy na gumaganda ang serbisyong pangkalusugan. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK