Dolores at Calauag, Wagi sa Street Dancing at Float Competition


 

2015-08-17

 

 

Muling nakamit ng bayan ng Dolores ang pagiging kampeon sa street dancing competition o sayaw ng niyog at bayan ng Calauag sa float competition sa isinagawang Grand Parade ng Niyogyugan Festival noong August 15, 2015.

 

Sa pagiging kampeyon ng bayan ng Dolores, ito ay tumanggap sila ng cash prize na P220,000.00 at isang day care center na ipagagawa ng pamahalaang panlalawigan sa naturang bayan.

 

Tinanghal naman na 1st runner-up ang bayan ng Atimonan na tumanggap ng cash prize na P170,000.00, 2nd runner-up ang bayan ng Mauban na tumanggap ng cash prize na P120,000.00 at 3rd runner-up ang bayan ng Pagbilao na tumanggap ng cash prize na P70,000.00.

 

Samantala, ang labing-walong bayan na sumali sa street dancing competition na hindi pinalad na manalo ay tumanggap ng halagang P50,000.00 bilang consolation ang bawat bayan.

 

Bukod sa dance competition na isinagawa sa Quezon Convention Center, nagpasiklaban din ang mga kalahok sa pagsayaw sa kalye habang lumalakad na nagsimula sa SM City Lucena hanggang sa Perez Park kung saan tinanghal na kampeon ang bayan ng Tagkawayan na tumanggap ng cash prize na P30,000.00, pumangalawa ang bayan ng Dolores na tumanggap ng P20,000.00 at pumangatlo ang bayan ng Atimonan na tumanggap ng P10,000.00.

 

Napagwagian din ng Dolores ang Best in Costume na tumanggap ng P15,000.00 at Tagkawayan na Best in Choreographer na tumanggap din ng P15,000.00.

 

Samantala, tumanggap naman ng cash prize na P160,000.00 ang bayan ng Calauag na tinanghal na kampeon sa Float Competition, 1st runner-up ang bayan ng Quezon na tumanggap ng P110,000.00 at 2nd runner-up ang Padre Burgos na tumanggap ng P85,000.00.

 

Tumanggap naman ng consolation prize na P30,000.00 ang labing pitong bayan na sumali sa float competition na hindi pinalad na magwagi.

 

Ayon kay Governor David “Jay-Jay” C. Suarez, dahil sa husay ng mga street dancer at magagandang float ay dinagdagan ni Former Minority Floor Leader Danny Suarez ng P10,000.00 ang cash prize at consolation sa float competition at P20,000.00 sa street dancing competition.

 

Ang grand parade na kinabibilangan ng street dancing at float competition ang pinakatampok na aktibidad ng Niyogyugan Festival na nagpapamalas ng makukulay at magagarbong festival ng bawat bayan sa lalawigan ng Quezon.

 

Ang Niyogyugan Festival ay nagsimula noong taong 2012 sa pamamagitan ni 3rd District Congresswoman Aleta Suarez na tumatayo ding Overall Chairperson ng Niyogyugan Festival 2015. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 

 
 
BACK