Mahigit 15,000 Pampublikong Guro sa Quezon, Nagtipon


 

2015-08-14

 

 

Muling nagkasama-sama ang mahagit labinlimang libong mga pampublikong guro mula sa Kagawaran ng Edukasyon sa Dibisyon ng Quezon sa isinagawang taunang Teachers’ Convention na pinangasiwaan ng pamahalaang panlalawigan noong ika-13 at 14 ng Agosto, 2015 sa Quezon Convention Center sa lungsod ng Lucena bilang bahagi ng pagdiriwang ng Niyogyugan Festival 2015.

 

Ayon kay Governor David “Jay-Jay” C. Suarez ang naturang pagtitipon ng mga guro sa buong lalawigan ng Quezon ay taun-taong isinasagawa ng pamahalaang panlalawigan upang kilalanin ang mga magagaling at masisipag na mga guro na humuhubog sa mga kabataan at malaki ang inaambag para sa kaunlaran at kinabukasan ng lalawigan ng Quezon.

 

“Kayong mga guro ang nagiging daan para makamit ng mga kabataan ang kanilang mga pinapangarap sa buhay,” dagdag pa ng gobernador.

 

Ayon pa kay Governor Suarez na ito ang dahilan kung bakit hindi tumitigil ang kanyang administrasyon para iangat ang kalidad ng edukasyon sa lalawigan ng Quezon.

 

Katunayan dito aniya ang 94 operational computer laboratory sa lalawigan, 375 day care center ang nakikinabang sa mga instructional materials na ipinamahagi ni Unang Ginang Anna Villaraza-Suarez sa ilalim ng day care services program ng pamahalaang panlalawigan.

 

Gayundin, ang mga school buildings – classroom na pinagawa ng pamahalaang panlalawigan na ngayon ay pinakikinabangan na ng mga kabataan, training at re-training para sa mga guro at principal at masters degree course sa mga gurong nais magpatuloy ng kanilang pag-aaral ay kasama na sa scholarship program ng Serbisyong Suarez sa Edukasyon.

 

Samantala, naging panauhing pandangal at tagapagsalita sa naturang pagtitipon sina Senador Vicente “Tito” Sotto III sa unang araw na dinaluhan ng mga guro mula sa Una at Ikatlong Distrito at Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa ikalawang araw para sa Ikalawa at Ikaapat na Distrito. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)teacher

 
 
BACK