Natatanging Magsasaka at Mangingisda sa Quezon, Pinarangalan ng Pamahalaang Panlalawigan


 

2015-08-11

 

 

Pinarangalan ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamamagitan ng Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor ang mga natatanging magsasaka at mangingisda ngayong taon sa lalawigan ng Quezon sa isinagawang Araw ng Pamilyang Magsasaka kaugnay ng pagdiriwang ng Niyogyugan Festival, Agri-Tourism Exposition noong August 11, 2015 sa Quezon Convention Center.

 

Kabilang sa mga pinarangalan na mga Provincial Winner ng Gawad Saka – Outstanding Achievers ay sina Carmen Cabling ng Sariaya bilang Outstanding Organic Farmer; Cesar De Ramos ng Sariaya bilang Outstanding Corn Farmer;Glorio Gajisan ng Sariaya bilang Outstanding Rice Farmer; Ramelito Barte ng Sariaya bilang Outstanding High Value Crops Farmer; Nelson Padin ng Lungsod ng Tayabas bilang Outstanding Young Farmer, Padua Family ng Lungsod ng Tayabas bilang Outstanding Farm Family; Ibabang Palsabangon RIC ng Pagbilao bilang Outstanding Rural Improvement Club (RIC); Quezon Agricultural Farmers MPC ng Pagbilao bilang Outstanding Small Farmers Association;Lucban Municipal Agricultural and Fishery Council (MAFC) bilang Outstanding MAFC; Infanta Municipal Fisheries and Aquatic Resources Management Council (MFARMC) bilang Outstanding MFARMC at Samahan ng Bantay Lawa ng Tikub ng Tiaong bilang Outstanding Small Fisherfolks Organization.

 

Kinikilala ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez ang malaking kontribusyon ng mga magsasaka at mangingisda sa buong lalawigan sa pagpapanatili ng maayos na suplay ng mga produktong pang-agrikultura at pag-angat ng sektor ng agrikultura sa lalawigan.

 

“Ang mga magsasaka at mangingisda ang sektor na bumubuhay sa ating lalawigan, nagpapakain sa ating lalawigan, sa ating mamamayan, sa ating rehiyon at sa bansa,” ayon sa gobernador.

 

Ayon pa sa gobernador na base sa datos ng National Statistics Office (ngayon ay Philippine Statistics Authority), 56% ng lahat ng palay, mais, gulay, isda, manok at karne na kinokonsumo ng Region IV-A ay nanggagaling sa lalawigan ng Quezon.

 

Sa usapin naman ng Coco Levy Fund ay ipinahayag ni Governor Suarez ang kanyang posisyon na ibalik sa mga magsasaka at magniniyog ng lalawigan ng Quezon kung saan nanggaling ang pera at katunayan dito ang ipinasang resolusyon ng Sangguniang Panlalawigan sa kahilingan ng gobernador.

 

Masayang ibinalita din ng gobernador ang karagdagang P100M scholarship fund para sa mga kabataang gustong magtapos ng pag-aaral kung saan prayoridad ang mga anak ng mga magsasaka at mangingisda.

 

Naging panauhin sa naturang pagtitipon sina Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., Congressman Martin Romualdez, Manila Vice-Mayor Isko Moreno, dating Minority Floor Leader Congressman Danny Suarez, Bokal Techie Dator at Bokal Gary Estrada.

 

Samantala, sa unang bahagi ng palatuntunan ay isinagawa ang iba’t ibang palarong pinoy ng mga samahang pang-nayon tulad ng fish and nut relay, the amazing rice (pagbayo ng palay), on-the-spot canvass painting contest, OPM vocal solo singing contest at quiz bowl. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK