Niyogyugan Festival 2015, Nagsimula na


 

2015-08-10

 

 

Pormal ng nagsimula ang 3rd Niyogyugan Festival sa lalawigan ng Quezon ngayong araw ng Lunes, August 10, 2015 hanggang August 19, 2015 sa Capitol Compound at Perez Park na pinangunahan nina Governor David “Jay-Jay” C. Suarez at Unang Ginang Anna Villaraza-Suarez, 3rd District Congresswoman Aleta Suarez at Dating Minority Floor Leader Congressman Danilo Suarez.

 

Live na napanood sa umagang programa ng ABS-CBN Channel 2 na Umagang Kay Ganda ang Agri-Tourism Trade Fair, mga kandidata ng Bb. Niyogyugan 2015 suot ang kani-kanilang Festival Costume gawa mula sa puno ng niyog, pagluluto ng santan (matamis na bao) sa Quezon, iba’t ibang produkto at pagkain na ipagmamalaki ng lalawigan, float at street dancers.

 

Pinangunahan naman nina ABAKADA Partylist Rep. Jonathan Dela Cruz at 3rd District Congresswoman Aleta Suarez ang pagbubukas ng Agri-Tourism Trade Fair kung saan makikita ang booth ng iba’t ibang bayan gawa mula sa puno ng niyog at ipinagmamalaking produkto ng bawat bayan.

 

Sa August 11, 2015 ay bibigyang pagpupugay naman ng pamahalaang panlalawigan ang pamilyang magsasaka sa buong lalawigan ng Quezon sa pamamagitan ng Araw ng Pamilyang Magsasaka na isasagawa sa Quezon Convention Center.

 

Isasagawa naman sa August 12, 2015 sa ganap na alas-8 ng umaga ang blood letting at medical mission sa BJMP-Provincial Jail. Sa ganap na alas-7 ng gabi naman isasagawa ang pagpili sa tatanghaling Bb. Niyogyugan 2015 sa Quezon Convention Center na panauhin ang GMA Artist na si Alden Richards.

 

Sa August 13-14, 2015, isasagawa ang pagtitipon ng lahat ng mga pampublikong guro sa buong lalawigan ng Quezon sa pamamagitan ng Teachers’ Convention sa Quezon Convention Center sa ganap na alas-8 ng umaga.

 

Sa August 15, 2015 ang pinakatampok na aktibidad, ang Niyogyugan Grand Parade na magsisimula sa SM City Lucena sa ganap na ala-una ng hapon at magtatapos sa Quezon Convention Center. Tampok sa naturang parada ang pagandahan ng float at pagalingan sa pagsayaw sa kalye ng mga street dancers ng iba’t ibang bayan na magpapamalas ng kani-kanilang produkto, tradisyon at kultura.

 

Sa August 16, 2015 ay bibigyan pagpapahalaga naman ng pamahalaang panlalawigan ang kalusugan ng bawat Quezonian sa pamamagitan ng pagsasagawa ng Live Life Fun Run sa Perez Park sa ganap na alas-5 ng umaga.

 

Sa August 17, 2015 sa ganap na alas-4 ng hapon ay magkakaroon ng symposium tungkol sa buhay ni dating Pang. Manuel Luis Quezon sa STI-Lucena. Sa ganap na alas-8 ng gabi ay mapapanood naman sa Perez Park ang libreng concert na Coco Jam na tatampukan ng bandang Silent Sanctuary.

 

Sa August 18, 2015 sa ganap na alas-7 ng gabi sa bahagi ng Perez Park ay isasagawa ang paggagawad ng papremyo sa mga magwawagi sa iba’t ibang patimpalak. At sa ganap na alas-8 ng gabi ay matutunghayan naman ang bandang Rocksteddy sa Coco Jam Free Concert.

 

Sa huling araw ng aktibidad sa August 19, 2015 ang Araw ni Quezon, isasagawa ang pagbibigay pugay kay Pang. Manuel L. Quezon sa pamamagitan ng pag-aalay ng bulaklak sa kanyang bantayog sa Perez Park sa ganap na alas-7 ng umaga.

 

Sa ganap naman na alas-10 ng umaga sa Queen Margaret Hotel ay bibigyang parangal ang mga natatanging Quezonian na nagbigay ng malaking kontribusyon at dangal sa lalawigan.

 

Kabilang sa mga gagawaran ng Quezon Medalya ng Karangalan ay sina Ret. BrigGen Edgardo Abenina mula sa bayan ng Tiaong (Military Service), Atty. Vitaliano Aguirre mula sa bayan ng Mulanay (Law), Gloria Ching, Ed. D. mula sa bayan ng Pitogo (Education-School Governance), Maria Adeline Lee mula sa bayan ng Lopez (Education-School Administration), Sonia Leyson, RSW mula sa bayan ng Lopez (Government Service), Juanito Merle, Ed. D. mula sa bayan ng Pagbilao (Education-Research-based Instruction), Doracie Zoleta-Nantes, Ph. D. mula sa bayan ng Lucban (Science and Technology) at Adelia Roadilla, Ph. D. mula sa bayan ng Mulanay (Education-School Administration). Pagkakalooban naman ng Tanging Gawad si Levita Ronna Ilao mula sa bayan ng Sariaya (Sports).

 

Ang Niyogyugan Festival ay nagsimula noong taong 2012 sa pamamagitan ni 3rd District Congresswoman Aleta Suarez pagkatapos ng pakikipag-usap nito sa mga municipal agriculturist at tourism officials ng Quezon.

 

Ang niyogyugan ang siyang nagsisilbing festival ng lahat ng festival sa lalawigan na nakasentro ang tema sa niyog na tinawag na Niyogyugan Festival. Ang niyogyugan ay nagmula sa salitang niyog at yugyug. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK