Earthquake Drill, Isinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon


 

2015-07-31

 

 

Bilang paghahanda sa posibleng paglindol sa lalawigan ng Quezon, nagsagawa ng earthquake drill ang pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa mga tanggapan nito sa pangunguna ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office noong July 31, 2015.

 

Sa ganap na 8:30 ng umaga, umugong ng isang minuto ang sirena ng kapitolyo bilang hudyat ng kunwaring paglindol at kaagad naman na nag-duct, cover and hold ang mga empleyado ng kapitolyo.

 

Pagkatapos ng kunwaring lindol ay nagbigay ng hudyat ang tumatayong warden ng paglikas at pagtungo sa common evacuation assembly point para sa kaligtasan ng lahat.

 

Bago makabalik sa mga tanggapan ang mga empleyado matapos ang lindol ay magkakaroon muna ng pagsusuri at assessment ng mga gusali ang Provincial Engineering Office kung ligtas na balikan ang naturang mga tanggapan.

 

Ayon kay Provincial Administrator Rommel Edaño, ang naturang drill ay sa atas ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez upang maging handa at magkaroon ng sapat na kaalaman ang mga kawani sakaling magkaroon ng lindol.

 

Siniguro din ng administrador na tuloy-tuloy ang isasagawang mga pagsasanay at sa susunod na dril ay may simulation na ng iba’t ibang senaryo upang malaman ang mga dapat gawin ng mga kawani kung sakaling may mga hindi maiiwasang mangyari dulot ng paglindol.

 

Ayon naman kay Dr. Henry Buzar, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer, isa ang lalawigan ng Quezon sa maaaring maapektuhan sakaling yumanig ang west at east valley fault na maaaring magpagalaw sa Infanta Segment at Ragay Gulf Fault sa Quezon.

 

Kaya naman sa isinagawang pagpupulong ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council pagkatapos ng naturang drill ay napagkasunduan ng konseho na magsagawa ng simultaneous Quezonwide earthquake drill sa September 4, 2015.

 

Ang malawakan at sabayang earthquake drill ay lalahukan ng lahat pampubliko at pribadong tanggapan maliban sa mga ospital, paaralan, business establishment at iba pang institusyon sa buong lalawigan ng Quezon.

 

Nakatakda ding mamahagi ng mga Information Education and Communication (IEC) materials sa bawat tahanan tungkol sa pagiging handa sa lindol, mga dapat gawin kung lumindol at pagkatapos ng lindol.

  

Kabilang sa paghahanda ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa paglindol ay ang pagsasagawa ng Rapid Earthquake Disaster Assessment System (REDAS) Training sa tulong ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PhiVolcs) sa August 3 – 8, 2015 sa Queen Margaret Hotel, Brgy. Domoit, Lungsod ng Lucena.

 

Ito ay lalahukan ng mga Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer ng bawat bayan, mga miyembro ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council at ibang organisasyon at samahan na katuwang ng pamahalaang panlalawigan sa panahon ng kalamidad. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK