Tulong sa mga Nasunugan, Ipinagkaloob ni Gov. Suarez


 

2015-07-28

 

 

Personal na ipinagkaloob ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez ang tulong pinansyal ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa mga pamilyang biktima ng sunog noong July 28, 2015 sa lungsod ng Tayabas.

 

Tumanggap ng halagang limang libong piso (P5,000.00) at family food packs ang 148 pamilyang nasunugan na naganap noong July 25, 2015 sa Barangay Angeles, Zone 1, malapit sa pampublikong pamilihan ng lungsod ng Tayabas na nasa 40 kabahayan ang natupok.

 

Ayon kay Governor Suarez ang naturang halaga ay makakatulong na pambili ng kagamitan tulad ng yero, plywood at pako upang makapagsimula ng panibagong tirahan.

 

Ayon pa sa gobernador na napakahirap ng mawalan ng mga ari-arian pero ang mas mahalaga ay buhay at malakas ang pangangatawan at walang nasaktan sa nangyaring sunog.

 

Nais ni Governor Suarez na mabigyan ng long term plan patungkol sa tahanan ang mga pamilyang nasunugan sapagkat napag-alaman ng gobernador na pribadong lupain ang naturang lugar at nais pa ring bumalik ng mga nasunugan dito.

 

Kaya naman agad na inatasan ni Governor Suarez si Provincial Social Welfare and Development Officer Sonia Leyson na makipag-ugnayan at makipag-usap sa may-ari ng naturang lupa para mabigyan ng permanenteng solusyon ang mga naninirahan sa nasunog na lugar.

 

Lubos naman ang pasasalamat ng mga pamilyang napagkalooban ng tulong kay Governor Suarez at sa pamahalaang panlalawigan sa mabilis na pag-aksyon at pagbibigay ng tulong sa kanila sapagkat matatandaan na nauna nang namahagi ang pamahalaang panlalawigan ng mga family food packs sa mga nasunugan noong linggo. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK