Programang Nutrisyon Ng Quezon, Mas Palalakasin


 

2015-07-24

 

 

Mas palalakasin at pagtutuunan ngayon ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon ang programa nito sa nutrisyon sa tulong ng mga Barangay Nutrition Scholar (BNS) sa buong lalawigan ng Quezon.

 

Ito ang ipinahayag ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez sa isinagawang kauna-unahang provincial convention ng mga Barangay Nutrition Scholar sa Quezon Convention Center noong July 23, 2015.

 

Ayon kay Governor Suarez, ang pagtitipong ito ng mga BNS ay para mailagay sa ayos ang programang tutugon sa napakalaking problema sa lipunan at ito ay may kinalaman sa malnutrisyon sa mga barangay.

 

“Dito sa ating lalawigan, ang malnutrition level ng Quezon ay 11.5%, oo at napababa natin ng 6.7% noong nakaraang taon kaso lang ang 11.5% ay napakataas pa rin,” dagdag pa ng gobernador.

 

Ayon pa sa gobernador na sa pamamagitan ng mga BNS na makakatuwang ng pamahalaang panlalawigan sa pagpapatupad ng mga nutrition program sa mga barangay tulad ng paggabay, pagtulong at pagtuturo sa mga magulang ng mga tamang kinakain ng kanilang mga anak.

 

Ang mga BNS din ang makakatuwang sa pagpapatupad ng nutri-ban sa lalawigan at sa susunod na linggo ay may training-seminar na isasagawa sa apat (4) na bakery na tutukuyin ng probinsya bilang panimula hanggang sa dumami sa buong lalawigan na gagawa ng nutri-ban.

 

Idinagdag pa ng gobernador na noong nakaraang mga taon, may mga bayan sa lalawigan na walang BNS kaya naman minarapat ng pamahalaang panlalawigan na palakasin ang Provincial Nutrition Council upang mabuo at mabuhay ang mga Municipal Nutrition Council para lahat ng barangay ay may maitalagang lehitimong Barangay Nutrition Scholar.

 

Noong nakaraang taon, 400 lamang ang bilang ng BNS sa buong lalawigan at pagkalipas ng isang taon ay umabot na sa 1,209 ang BNS sa lalawigan.

 

Inihayag din ng gobernador na ang tututok sa programa ng ng day care at magiging active focal person para sa nutrition program ng pamahalaang panlalawigan ay si Unang Ginang Anna Villaraza-Suarez.

 

Naging panauhing pandangal sa naturang pagtitipon si Rep. Lito Atienza ng Buhay Partylist na binigyang-diin sa kanyang mensahe ang kahalagahan ng nutrisyon ng mga bata sa pag-unlad ng isang bayan, lalawigan at bansa.

 

Samantala, ipinagkaloob naman sa mga bayan ng Jomalig, Tiaong, Macalelon at Tagkawayan ang programang Bitamina Para sa Batang Quezonian na isang public-private partnership project ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon at PWEE Foundation. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK