Vice-Pres. Binay, Pinangunahan ang Pagdiriwang ng Ika-200 Taong Kapanganakan ni Hermano Puli


 

2015-07-23

 

 

Pinangunahan ni Vice-President Jejomar C. Binay kasama sina Governor David “Jay-Jay” C. Suarez, SOLCOM Chief LtGen Ricardo Visaya, National Historical Commission of the Philippines (NHCP) Executive Director Ludovico Badoy at Pangulo ng ADHIKA ng Pilipinas na si Ryan Palad ang pagdiriwang ng ika-200 taong kapanganakan ni Apolinario dela Cruz o mas kilala sa tawag na Hermano Puli noong ika-22 ng Hulyo, 2015.

 

Naging tampok ng pagdiriwang ang pagbibigay pugay at pag-aalay ng bulaklak sa bantayog ni Hermano Puli sa Brgy. Isabang, lungsod ng Tayabas na dinaluhan ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon, DepEd-Quezon, DepEd-Lucena, DepEd-Tayabas, iba’t ibang nasyonal na ahensya ng pamahalaan, ilang opisyal ng lokal na pamahalaan at iba’t ibang civic at non-government organization.

 

Sa naging pananalita ni VP Binay ay hiniling niya kay Director Badoy na mabigyan pa ng NHCP ng higit na publisidad ang kadakilaan ni Hermano Puli at ang mga katulad niyang nagpasimula ng pakikipaglaban sa mga Kastila para sa karapatan ng mga Pilipino.

 

Ayon pa sa Bise-Presidente na sa pagdiriwang ng ika-200 anibersaryo ng kapanganakan ni Hermano Puli ay dapat na tanungin ang mga sarili kung naging karapat-dapat ba sa sakripisyo ni Puli.

 

“Oo nga at nakamit natin ang pulitikal na kalayaan, ngunit ang ipinaglaban ba at mithiin ng ating mga bayani ay natatamasa natin ngayon?” dagdag pa ni Binay.

 

Ayon naman kay Governor Suarez na lahat tayo ay dapat may inaambag sa ating kapwa at samahan; dapat tanungin ang sarili kung tayo din ba ay may positibong inaambag sa pagpapaganda at pagpapa-unlad ng ating lalawigan at ano ang inaambag natin para mapalakas ito.

 

Samantala, kasunod ng pag-aalay ng bulaklak ay isinagawa ang pagbubukas ng timeline photo exhibit ni Hermano Puli sa Mall Atrium ng SM City Lucena na pinangunahan pa din Vice-President Binay, Governor Suarez, Director Badoy at Mall Manager Maricel Alquiros.

 

Ang exhibit na matutunghayan hanggang sa ika-30 ng Hulyo, 2015 ay naglalayong maipaalam sa publiko lalo’t higit sa mga kabataang mag-aaral ang buhay at kabayanihan ni Hermano Puli na taga Quezon.

 

Bukod dito, ang Hermano Puli @ 200 Bicentennial Committee na pinamunuan ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez at dating DepEd-Quezon Division Schools Superintendent Gloria Potes ay naghanda ng ilang mga gawain kaugnay ng pagdiriwang tulad ng paligsahan sa paghanap ng Best Storyteller ng buhay ni Puli para sa mga guro at Dress Up your Coloring Book para sa mga mag-aaral, paligsahan sa kasaysayan, talumpatian, pagsulat ng sanaysay at ang coloring contest. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK