178 Lucenahin, Napagkalooban ni Gov. Suarez ng No Balance Billing Card ng Philhealth


 

2015-07-22

 

 

Isandaa’t pitumpu’t walong (178) residente mula sa iba’t ibang barangay sa lungsod ng Lucena ang ika-apat na batch na pinagkalooban ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez ng No Balance Billing (NBB) Card ng PhilHealth noong July 21, 2015 sa Bulwagang Kalilayan, Capitol Compound, Lucena City.

 

Ayon kay Governor Suarez, ito ay isa sa bagong programang ipinatutupad ng pamahalaang panlalawigan sa ilalim ng Serbisyong Suarez sa Kalusugan katuwang ang PhilHealth para sa mga Quezonian na mao-ospital ngunit hindi miyembro ng PhilHealth.

 

Ayon pa sa gobernador na dahil sa hirap ng buhay ay nahihirapang magpagamot ang karamihan kaya malaki ang maitutulong ng programa at nararapat lamang na nararamdaman ng mga mamamayan ang serbisyo ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon.

 

Sa programang ito, sasagutin ng pamahalaang panlalawigan ang kalahati ng premium na P1,200 para sa outright enrolment sa PhilHealth ng isang tao na mako-confine sa mga pampublikong pagamutan sa lalawigan ng Quezon.

 

“Malaki yung halaga na P2,400 para maging member, kaya ang maitutulong ng pamahalaang panlalawigan ay sinasagot naming ang kalahati at kung makita namin na talagang walang kakayanan ang isang pamilya na magbayad ng kalahati, sinasagot na namin ang kabuuan,” dagdag pa ng gobernador.

 

Sa pagkakataong ma-confine ang nagmamay-ari ng NBB Card o sinuman sa kanyang dineklarang dependent sa kahit saan mang pampublikong pagamutan sa lalawigan, ito ay kabilang sa No Balance Billing ng PhilHealth.

 

Gayundin, maaaring sumailalim sa “TSeKaP” (konsultasyon/pagsusuri/gamot at medisina) na benepisyo ang mga napagkalooban ng NBB Card.

 

Para naman sa listahan ng mga karamdaman na nasa ilalim ng TSeKaP, makipag-ugnayan sa Quezon Medical Center (QMC) Serbisyong Suarez Help Desk o PhilHealth.

 

Lubos naman ang pasasalamat ng mga nabiyayaan ng naturang programa sa pamahalaang panlalawigan ng Quezon lalo’t higit kay Governor Suarez sa napakalaking tulong na ibinigay sa kanila. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK