Ika-200 Taon ng Kapanganakan ni Hermano Puli, Ipagdiriwang


 

2015-07-20

 

 

Ipagdiriwang ng lalawigan ng Quezon sa pangunguna ng pamahalaang panlalawigan ang ika-200 taon ng kapanganakan ni Apolinario dela Cruz o mas kilala sa tawag na Hermano Puli sa ika-22 ng Hulyo, 2015.

 

Ang pagdiriwang ay pangungunahan nina Governor David “Jay-Jay” C. Suarez at Executive Director Ludovico Badoy ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) sa pamamagitan ng pag-aalay ng bulaklak sa bantayog ni Hermano Puli sa Brgy. Isabang, lungsod ng Tayabas kasunod ang pagbubukas ng timeline photo exhibit ni Puli sa Mall Atrium ng SM City Lucena.

 

Bukod dito, ang Hermano Puli @ 200 Bicentennial Committee na pinamumunuan ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez at dating DepEd-Quezon Division Schools Superintendent Gloria Potes ay naghanda ng ilang mga gawain kaugnay ng pagdiriwang simula ika-20 hanggang ika21 ng Hulyo 2015.

 

Kabilang dito ang paligsahan sa paghanap ng Best Storyteller para sa mga guro at Dress Up your Coloring Book para sa mga mag-aaral na isasagawa sa STI Academic Center Lucena sa ika-20 ng Hulyo, paligsahan sa kasaysayan, talumpatian, pagsulat ng sanaysay at ang coloring contest sa ika-21 ng Hulyo na gagawin sa Quezon Science High School.

 

Ayon kay Alberto “Jun” Bay, Provincial Tourism Officer na ang Puli@200 Bicentennial Committee ay nagpasya na rin sa pamamatnubay ng NHCP na gamitin ang larawan na sadyang ipinagawa pa ng Orden Hospitalaria ng Confradia de San Juan De Dios bilang larawan ni Puli upang siya ay lubos na makilala.

 

Samantala, inaanyayahan ni Governor Suarez ang lahat na makiisa sa pagdiriwang ng ika-200 taon ng kapanganakan ni Hermano Puli na bayaning nagmula mismo sa lalawigan ng Quezon. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK