Tamang Operasyon at Pangangalaga ng Iba’t Ibang Makinaryang Pangsakahan, Itinuro sa mga Magsasaka


 

2015-07-20

 

 

Bilang patuloy na pag-agapay ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez sa mga magsasaka sa lalawigan ng Quezon ay sumailalim sa pagsasanay ang mga ito kaugnay sa tamang operasyon at pangangalaga ng iba’t ibang makinaryang pansakahan sa Quezon Agricultural Reasearch and Experimental Station, Brgy. Lagalag, Tiaong, Quezon, kamakailan.

 

Ang pagsasanay na dinaluhan ng may 27 Agrarian Reform Beneficiaries Organization sa ilalim ng Department of Agrarian Reform (DAR) – Quezon ay isinagawa sa pamamagitan ng Panlalawigang Agrikultor sa pamumuno ni Roberto Gajo at sa pakikipagtulungan ng Panlalawigang Agraryo sa pamumuno ni Merli Manalo.

 

Layunin ng nasabing pagsasanay na mapalakas ang kakayahan at kaalaman para sa tamang operasyon at pamamahala ng mga makinaryang pangsakahan na common service facilities (CSF) ng samahan na bahagi ng programa ng DAR-ARCESS at pamahalaang panlalawigan para sa lubos na kapakinabangan at higit na magkaroon ng kaalaman sa pagbuo ng komprehensibong financial analysis ng kanilang CSF.

 

Nagsilbing tagapagsanay sina Engr. Don David Julian, Southern Tagalog Coordinator ng PHILMECH; Engr. Dindo Labrador, Regional Field Coordinator Region IV-B ng PHILMECH; Engr. Jocelyn Rioflorido, Agricultural Engineering Center at Joseph Astilla, Technical Staff ng Office of the Provincial Agriculturist. (Reygan Mantilla-Quezon PIO/OPA Info. Unit)

 
 
BACK