Pagsasanay sa Pagproseso ng Common Medicinal Plant, Isinagawa sa Quezon


 

2015-07-20

 

 

Sumailalim sa pagsasanay sa pagproseso ng common medicinal plant ang mga nagtatanim ng halamang gamot, kasapi ng Rural Improvement Club, KALIPI, Agos ng Pag-Asa Multi-Purpose Cooperative, Herbs of the Field, Coconut Farmer at piling kooperatiba sa Quezon kamakailan sa Audio-Visual Room ng Quezon Convention Center, lungsod ng Lucena.

 

Ang pagsasanay ay bahagi ng Herbal Program na inilunsad ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez.

 

Ayon kay Provincial Agriculturist Roberto Gajo, layunin nito na maibahagi sa mga tumatangkilik at magtatanim ng halamang gamot ang maturuan sila ng mabilis at angkop na pamamaraan sa pagproseso ng nasabing produkto.

 

Dagdag pa ni Gajo na sa simpleng pamamaraan ay magagamit sa sariling bahay at malaking tulong ito sa kalusugan ng mamamayan.

 

Ibinahagi din ni Gajo na bilang suporta ni Governor Suarez ay sisimulan ng itayo ang Quezon Food and Herbal Processing Center na makakatulong ng malaki upang maproseso ang mga halamang gamot na manggagaling sa iba’t ibang bayan sa Quezon.

 

Sa naturang processing center dadalhin ng mga magtatanim ang kanilang produkto upang malaya nilang magamit ang lahat ng pasilidad sa nasabing planta na may napakababa na tool fee o processing fee ng sa gayon ay higit na tumaas ang kita ng mga producer/magtatanim ng halamang gamot o value added sa produkto at ng tumaas ang kalidad nito.

 

Ayon naman kay Walter Dapla, Quezon Herbal Program Coordinator na sa kasalukuyan ay mayroon ng pitong (7) ektarya ng luyang dilaw, walong (8) ektarya ng lemon grass o salay, walong (8) ektarya ng malunggay at isang (1) ektarya ng siling labuyo ang nakatanim sa lalawigan ng Quezon. (Reygan Mantilla-Quezon PIO/OPA Info. Unit)

 
 
BACK