Kalipi sa Ikalawa at Ika-Apat na Distrito ng Quezon, Sumailalim sa Pagsasanay sa Proyektong Pangkabuhayan


 

2015-07-06

 

 

Pinangunahan ng Unang Ginang Anna Marie Villaraza-Suarez ang pagsasanay sa proyektong pangkabuhayan para sa Kalipunan ng Liping Pilipina (KALIPI) at pamamahagi ng Food cart ni Juana  kamakailan. Dinaluhan ito ng mga aktibong miyembro ng KALIPI na gustong mag-negosyo sa kanilang mga Barangay.

 

Sa nasabing pagsasanay ay itinuturo ang paggawa ng mga masustansiyang pagkain na karaniwang nakikita na tinda sa tabing kalsada tulad ng kikiam. Ang recipe ay may sangkap na kamote at malunggay. Ang mga mag-aaral ang nais na maging pangunahing suki sa Food cart ni Juana upang masigurado na masustansiya ang makakain ng mga ito.

 

Ang bawat samahan ng KALIPI mula sa iba’t ibang barangay sa ikalawa at ika-apat na distrito ng Quezon na sumailalim na sa nasabing pagsasanay ay pinag-kalooban din ng puhunan na limang libong piso. Itinuro din sa mga ito ang tamang pangangasiwa sa negosyo, pagkakaisa at pagtutulungan na mapa-unlad ang buhay ng bawat kasapi nila.

 

Ayon sa Unang Ginang, pangarap nila ni Governor David “Jayjay” C. Suarez na magkaroon ng dagdag na pagkakakitaan ang mga ilaw ng tahanan at matugunan ang pangangailangan sa nutrisyon ng mga kabataan.

 

Target ng Pamahalaang Panlalawigan katuwang ang mga KALIPI na aktibong tumatalima sa programa na mapababa ang malnutrisyon sa buong lalawigan ng Quezon. (Ron Pelejo - Quezon PIO)

 
 
BACK