Serbisyong Suarez sa Kalusugan, Handog sa Bayan ng Tagkawayan


 

2015-07-30

 

 

Iba’t ibang programang pangkalusugan ang handog ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa bayan ng Tagkawayan ng bumisita ang grupo ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez sa naturang bayan noong June 26, 2015.

 

Ayon sa gobernador ang bayan ng Tagkawayan ang isa sa apat na munisipalidad na tatanggap ng intervention program mula sa pamahalaang panlalawigan para ma-address ang problema ng malnutrisyon sa naturang bayan.

 

Dagdag pa ng gobernador na komprehensibong ipatutupad ang programang pang-nutrisyon sa pamamagitan ng pagbaba mismo sa mga barangay ng Tagkawayan ng Nutrition Team ng probinsya para magsagawa ng mga seminar, pagtuturo sa mga kabataan at pagbibigay ng mga impormasyon sa mga magulang kung ano ang tamang pagkain na dapat ipinapakain sa kanilang mga anak.

 

Gayundin, mamamahagi din ang pamahalaang panlalawigan ng mga nutriban na almusal para sa mga malnourished na bata.

 

Ayon pa sa gobernador na target ng pamahalaang panlalawigan na sa loob ng dalawang taon ay mapababa ng 30% ang level ng malnutrisyon sa naturang bayan at kapag naging epektibo ay gagawing model municipality ang Tagkawayan sa pagpapatupad ng nutrition campaign sa iba pang bayan.

 

Samantala, ipinamahagi na din ni Governor Suarez sa mga punong barangay ang Health Coupon o Lingap Kalusugan para sa Quezonian na nagkakahalaga ng P25,000.00 bawat barangay na maaaring gamitin sa mga pampublikong pagamutan sa lalawigan ng Quezon bilang pambayad sa mga gastusin o pambili ng gamot sa ospital.

 

Pinangunahan naman ni Unang Ginang Anna Villaraza Suarez ang pamamahagi ng mga height board at salter weighing scale para sa mga barangay health center at TV and DVD set na may kasamang instructional materials para naman sa ilang day care center sa naturang bayan. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK