Binhing Pananim na Palay, Ipinamahagi sa Tagkawayan


 

2015-06-29

 

 

Personal na ipinamahagi ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez ang mga binhing pananim na palay sa mga magsasaka sa bayan ng Tagkawayan bilang bahagi ng programang Serbisyong Suarez sa Agrikultura noong June 26, 2015 sa Municipal Covered Court ng naturang bayan.

 

Ayon kay Governor Suarez, ang 200 na sako ng palay na ipinamahagi ay nanggaling mismo sa mga magsasaka ng bayan ng Tagkawayan at kauna-unahang bayan na ang ipinamigay na binhing palay ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon ay galing mismo sa sariling bayan.

 

“Nagpapakita ito na kayang maging self-sufficient at self-reliant ng sektor ng agrikultura basta ito ay sumusunod sa maayos na programa na pinagtutulungan ng pamahalaang panlalawigan at lokal na pamahalaan.

 

Ayon pa sa gobernador na noong nagsimula siyang manungkulan bilang gobernador ay napansin ng kanyang administrasyon na ang rice self-sufficiency ng lalawigan ng Quezon ay 20% lamang at marami sa mga ipinamamahaging mga binhi ng palay ay inaangkat pa mula sa Nueva Ecija, Bulacan at Laguna.

 

“Minarapat ng ating administrasyon na palakasin ang ating mga palay growers association para mismo ang pangangailangan ng binhi ng ating mga magsasaka ay mismong manggagaling na sa mga magsasaka ng ating lalawigan,” dagdag pa ng gobernador.

 

Ipinagmalaki din ng gobernador na makalipas ang apat na taon, ang dating 20% na rice sufficiency level ng lalawigan ng Quezon ay kasalukuyang nasa 65% na.

 

Lubos naman ang pasasalamat ng mga magsasaka sa pamahalaang panlalawigan at kay Governor Suarez sa pagkakaloob ng mga libreng binhing pananim na makakatulong sa kanilang kabuhayan. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK