Day Care Worker sa Lalawigan ng Quezon, Nagkasama-Sama


 

2015-06-25

 

 

Muling nagkasama-sama ang nasa 1,338 day care worker mula sa 1, 242 barangay sa buong lalawigan ng Quezon para sa taunang Day Care Worker Convention noong June 25, 2015 sa Quezon Convention Center sa lungsod ng Lucena.

 

Ang pagtitipon na pinangunahan ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez at Unang Ginang Anna Villaraza-Suarez ay may temang “Day Care Workers: Katuwang sa Pagbuo ng Matatag na Pamayanan.”

 

Ayon kay Governor Suarez, ang taunang pagtitipon ay upang kilalanin ng pamahalaang panlalawigan ang hirap, pagod at sakripisyo ng mga day care worker sa buong lalawigan ng Quezon.

 

“Ang pagmamahal at pagtatrabaho ninyo, ang pusong maglingkod ay tunay na nandoon,” pahayag pa ng gobernador.

 

Ayon pa sa gobernador na sa nakalipas na limang taon ay naging komprehensibo ang programa ng pamahalaang panlalawigan para sa mga day care worker, day care pupil, at day care service program sa lalawigan ng Quezon at naging patunay dito ang parangal na nakamit ng lalawigan sa larangan ng social welfare and development tulad ng Outstanding Municipal Social Welfare and Development Officer, Outstanding Municipal Mayor, Outstanding Provincial Social Welfare and Development Officer at Outstanding Governor sa buong Pilipinas.

 

Sa nakalipas na limang taon din ay pinahalagahan ng pamahalaang panlalawigan ang pagpapalakas at pagkilala sa mga day care worker na maituturing na mga bayani.

 

Buong pagmamalaki ding ipinahayag ng gobernador na sa loob ng limang taon ay lumampas ito sa target na 25 day care center na ipapagawa ng pamahalaang panlalawigan dahil ngayong taong ito ay umabot na sa 32 bagong day care center na child-friendly ang naipagawa.

 

Sa pamamagitan naman ni Unang Ginang Anna Villaraza-Suarez ay pumapasyal sa mga day care center sa iba’t ibang bayan sa lalawigan upang magkaloob ng mga TV at DVD set na may kasamang mga instructional materials.

 

Ngayon taong ito ay aabot sa 375 TV at DVD sets ang ipapamahagi ng Unang Ginang sa mga day care center at inaasahang makukumpletong mapagkalooban ang kabuuang 1,338 day care center sa lalawigan.

 

Masayang ibinalita din ng gobernador na makakatanggap ang lahat ng day care worker ng cash incentive na P6,500.00 mula sa pamahalaang panlalawigan.

 

“Dahil naiintindihan ko ang hirap ng trabaho ninyo, swerte ang ilang malalaking barangay na nakakapagbigay ng honorarium sa kanilang day care workers, ngunit alam din naman natin ang reyalidad na mayroon tayong mga day care worker na P300 lang na honorarium ang natatanggap at minsan pa pinag-aambagan ng mga magulang para lang may maiuwi ang day care worker para sa kanyang pamilya,” dagdag pa ng gobernador.

 

Samantala, bukod sa paggabay at pagtuturo sa mga bata sa day care center ay pinatunayan ng ilang day care worker na sila ay may mga talento din sa pag-awit at pagsayaw. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK