Programang Pangkalusugan sa Quezon, Palalakasin; Health Summit, Isinagawa


 

2015-06-19

 

 

Nagkasama-sama sa ikatlong pagkakataon ang mga lokal na pamahalaan, iba’t ibang samahan, organisasyon at non-government organization sa ilalim ng sektor ng kalusugan sa lalawigan ng Quezon sa isinagawang dalawang araw na Universal Health Care High Impact-5 Summit sa Queen Margaret Hotel, Brgy. Domoit, Lungsod ng Lucena noong June 17 – 18, 2015.

 

Ang summit na pinangunahan ng Department of Health (DOH) Region IV-A sa pakikipagtulungan ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa pamamagitan ng Integrated Provincial Health Office (IPHO) ay may temang “Kalusugang Pangkalahatan: HI-5 at Q1K para sa mga Quezonian.”

 

Ayon kay Dr. Noel Pasion, Assistant Regional Director ng DOH-IVA na ang naturang summit ay isinagawa ng regional office sa lahat ng stakeholder sa kalusugan upang ipagbigay-alam ang mga prayoridad na gawain sa ilalim ng High Impact-5 (HI-5), itaguyod ang pagpapatupad ng mga istratehiya ng HI-5 at matulungan ang mga lokal na pamahalaan upang makapagbuo ng kanilang HI-5 plans.

 

Ang High Impact o HI-5 ay tumutukoy sa mga programang pangkalusugan para sa Maternal Care, Infant Care, Child Care, HIV/AIDS at Service Delivery Network.

 

Ayon kay Governor David “Jay-Jay” C. Suarez, ang kulusugan ang pangunahing tinututukan ng kanyang administrasyon simula ng siya’y manungkulan bilang gobernador noong 2010.

 

“Sa unang bahagi ng ating administrasyon, we focus on improving the curative side of our health sector; improving hospitals, capacity of our doctors, equipment and services being offered by our 16 hospitals under the umbrella of provincial government of Quezon,” dagdag pa ng gobernador.

 

At sa kanyang ikalawang termino naman ay mas tinutukan ng gobernador ang preventive aspect ng healthcare program ng pamahalaang panlalawigan kung kaya’t pinalakas nito ang Provincial Nutrition Council, Provincial Nutrition Scholars Association at paghikayat sa mga mayor na wala pang barangay nutrition scholar na mag-establish nito.

 

At ngayong taon ito, ibinalita ng gobernador ang nalalapit na pagpapatupad ng programang Quezon 1,000 (Q1K) o unang isang libong araw sa buhay ng isang bata simula pagbubuntis ng ina hanggang sa bago mag-tatlong taon ang sanggol sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga sapat na bakuna, tamang nutrisyon at iba pa.

 

“Sa unang isang libong araw ng buhay ng isang bata, dito nade-develop ang cognitive skills o ang kakayahang umintindi, umunawa ng isang tao; dito din nade-develop ang motor skills, psycho-emotional skills ng isag sanggol,” ayon pa sa gobernador.

 

Buong pagmamalaki ding ipinahayag ng gobernador na ayon sa World Bank at UNICEF na wala pang lalawigan dito sa Pilipinas na nakakapagpatupad ng 1st 1,000 days program at ang lalawigan ng Quezon ang kauna-unahang makakapagpatupad nito.

 

Naniniwala si Governor Suarez na ang tunay na kaunlaran ay hindi nakikita sa mga kalsada, mga gusali, mataas na ani ng mga magsasaka; ang tunay na kaunlaran ayon sa gobernador ay nakikita sa pag-angat ng antas ng buhay ng mamamayan at kalusugan ang susi at unang kailangang makamit.

 

Samantala, naging tampok naman sa naturang summit ang pagpapahayag ng suporta at pakikiisa ng mga stakeholder sa kalusugan sa mga programa ng DOH partikular sa HI-5 at Quezon 1K na ipatutupad sa lalawigan ng Quezon sa pamamagitan ng paglagda sa pledge of commitment. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK