Produksyon ng Cacao, Pagyayamanin sa Lalawigan ng Quezon


 

2015-06-18

 

 

Bilang bahagi ng programa ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez sa sektor ng agrikultura ay pagyayamanin ng pamahalaang panlalawigan ang produksiyon ng cacao sa lalawigan ng Quezon.

 

Ito ay sinimulan sa pagbibigay ng pagsasanay sa mga magsasaka mula sa iba’t ibang bayan sa lalawigan na “Cacao Techno Forum: Market Opportunities & Basic Orientation Seminar on Cacao Production and Processing” sa Department of Trade and Industry (DTI) – Quezon Provincial Office sa lungsod ng Lucena noong June 16, 2015.

 

Ang nasabing programa na pinangunahan ng Office of the Provincial Agriculturist sa pamumuno ni Roberto Gajo sa suporta ni Governor Suarez ay sa pakikipagtulungan sa DTI-Quezon sa pamumuno ni Julieta Tadiosa, OIC-Provincial Director.

 

Ayon kay Gajo, layunin nito na madagdagan ng kaalaman at kasanayan ang mga magsasaka sa produksiyon ng cacao at lalong higit na mapataas ang kanilang kita at umangat ang antas ng kanilang pamumuhay.

 

Sa pamamagitan ni Valente Tutur, Executive Director ng Cacao Industry Association of Mindanao Inc. sa Davao City, itinuro ang tamang pagpili ng binhi hanggang sa pagbabalot at pag-iimbak ng mga produktong binhi.

 

Ayon kay Tutur, napakalaki ng posibilidad ng Quezon na maging isa sa pagkukunan ng binhi at bunga ng cacao dahil sa magandang lokasyon at malaking kalupaan nito.

 

Samantala, isa sa naging katanungan ng mga magsasaka ay kung paano sila matutulungan ng pamahalaan upang makapagsimula sa napakalaking puhunan na kailangan sa produksyon ng cacao.

 

Agad namang iminungkahe ni Gajo na bukas ang kanilang tanggapan sa mga kinikilalang kooperatiba o samahang panlalawigan sa pamamagitan ng Provincial Cooperative Development Office (PCDO) na isa sa mga sangay ng Office of the Provincial Agriculturist upang suportahan ang mga magsisimulang magsasaka. (Reygan Mantilla-Quezon PIO/OPA-Info. Unit)

 
 
BACK