Mga Kabataan sa Lalawigan ng Quezon, Kabahagi sa Disaster Preparedness


 

2015-06-16

 

 

Isandaan at dalawampu’t tatlong (123) kabataan mula sa tatlumput’s siyam (39) na bayan at dalawang (2) lungsod sa lalawigan ng Quezon ang nakiisa sa dalawang araw na WEmboree: A Disaster Resiliency Camp sa Ouan’s Worth Farm and Resort sa lungsod ng Lucena noong June 15 – 16, 2015.

 

 Ayon kay OIC-Provincial Director Vilma de Torres ng Department of Interior and Local Government (DILG)-Quezon, ang WEmboree ay pangatlong bahagi ng Disaster Preparedness Manual ng Oplan Listo na inilunsad ng DILG sa lalawigan ng Quezon sa nakalipas na mga buwan.

 

Ang WEmboree na may temang “Changing the mindset from ME to WE!” ay may layuning hikayatin ang mga kabataan na makiisa at maging bahagi ng lokal na pamahalaan sa mga programa nito sa disaster risk reduction.

 

“Magiging kaagapay kayo sa pagkakalat ng impormasyon sa kapwa ninyo kabataan, magiging tagapagsulong ng Oplan Listo at magiging volunteer upang matulungan ang lahat ng local government unit para matugunan ang paghahanda para sa anumang sakuna na maaaring kaharapin ng bayan,” dagdag pa ni De Torres.

 

Binigyang diin din ni De Torres na ang disaster ay pananagutan ng bawat isa hindi lamang ng pamahalaan at kailangan ang pakikiisa ng bawat miyembro ng komunidad.

 

Sa naging mensahe naman ni Provincial Administrator Rommel Edaño na naging kinatawan ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez na naniniwala ang gobernador na ang disaster ay hindi na solong trabaho ng National Disaster Risk Reduction and Management Council bagkus ito ay nasa balikat ng iba’t ibang pamahalaang lokal partikular ng mga komunidad.

 

Ayon pa kay Edaño na magiging kabahagi ng bawat pamahalaang lokal ang mga kabataang ito sa disaster preparedness at response sa panahon ng kalamidad dahil sila ay bibigyan ng sapat na mga kaalaman at kakayahan.

 

Sa dalawang na WEmboree, binigyan ang naturang mga kabataan ng mga kaalaman at kakayahan tulad ng pagtukoy sa iba’t ibang uri ng fire extinguisher at wastong paggamit nito, mga dapat gawin sa oras ng sunog at lindol na pinangunahan ng Bureau of Fire Protection (BFP), wastong paggamit ng disaster/rescue equipment, first-aid at basic life support na pinangunahan ng mga kawani ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).

 

Para naman ma-develop ang pagkakaisa at pagtutulungan ay sumailalim ang mga kalahok sa iba’t ibang team building activities.

 

Naging tampok ng aktibidad ang pagpapahayag ng kanilang taos-pusong pakikibahagi, suporta at pakiisa sa pamamagitan ng paglagda sa pledge of commitment at pagpapalutang ng mga kandila sa tubig.

 

Ang WEmboree ay magkatuwang na isinakatuparan ng DILG-Quezon at pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa pamumuno ni Governor Suarez sa pamamagitan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) katuwang ang Bureau of Fire Protection-Quezon.


Ang Oplan Listo ay isang malawakang pagkilos na binuo ng DILG na naglalayong ipaalam sa bawat Pilipino lalo’t higit sa lokal na pamahalaan ang kahalagahan ng tamang paghahanda at mga tamang aksyon sa panahon ng sakuna.(Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK