Libreng Prostate Cancer Screening, Isasagawa sa QMC


 

2015-06-16

 

 

Kaugnay ng ginugunita ngayong buwan ng Hunyo na Prostate Cancer Awareness Month ay magsasagawa ng libreng prostate screening ang pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Quezon Medical Center (QMC) sa Biyernes, June 19, 2015 simula ika-9 ng umaga hanggang ika-12 ng tanghali sa naturang ospital sa lungsod ng Lucena.

 

Kaya naman, hinihikayat ang mga lalaking may edad 40 pataas na magtungo at magpasuri upang masigurong ligtas sa naturang sakit o kung mayroon man ay maagapan at hindi na lumala pa.

 

Ang pagsusuring gagawin ay Digital Rectal Examination na hindi masakit ay tatagal lamang ng ilang minuto na ginagawa sa pamamagitan ng pagsalat sa inyong prostate na nasa gawing puwitan at gagawin ng isang urologist na doktor na espesyalista sa ganitong uri ng karamdaman.

 

Samantala, bago ang libreng prostate cancer screening ay magsasagawa muna ang pamunuan ng Quezon Medical Center ng forum o pagtalakay tungkol sa naturang sakit na pangungunahan ni Dr. Albert Aquino, DPBU at updates sa modern treatment nito na pangungunahan ni Dr. Rolando Tiopianco, FPCS.

 

Ayon kay Dr. Rolando Padre, Chief ng naturang ospital na layunin ng naturang gawain ay mabigyan ng sapat na kaalaman at impormasyon ang mga kalalakihan lalo't higit ang mga may edad 40 pataas tungkol sa naturang sakit at makapagbigay ng libreng pagsusuri.

 

Ang Benign Prostatic Hyperplasia (BPH) ay isang uri ng sakit ng mga kalalakihang tumatanda at ang karaniwang sintomas nito ay hirap sa pag-ihi.


Ang prostata ay isang bahagi ng ari ng lalaki na tumutulong sa pagdami ng seminal fluid at bumubo ng punlay. Ito ay sinlaki ng singuelas na nasa paligid ng labasan ng ihi (urethra).

 

Ang paglaki ng prostata ay maaaring magdulot ng pagsisikip o pagliit ng daluyan ng ihi na siyang nagiging sanhi ng pagkakaroon ng iba’t ibang sintomas. Ang sintomas na ito ang nagiging dahilan upang hadlangan ang normal na pamumuhay ng ilang kalalakihang mayroong BPH.

 

Kabilang sa mga palatandaan ng sakit na ito ay pagkaundlot ng paglabas ng ihi, mahirap at masakit na pag-ihi, puwersahan ngunit kaunti lamang ang paglabas ng ihi, madalas na pag-ihi sa araw o sa gabi, pagkaramdam ng hindi lubos na paglabas ng ihi mula sa pantog, hindi mapigil na pag-ihi.

 

Ang gawaing ito ay sa pagsisikap ng pamahalaang panlalawigan at Governor David “Jay-Jay” C. Suarez na matiyak na ligtas sa malubhang karamdaman at maagapang malunasan ito kung mayroon man ang bawat kalalakihan lalo’t higit ang mga Ama o Tatay na tumatayong haligi ng tahanan. (Reygan Mantilla-Quezon PIO/QMC)

 
 
BACK