Pagsasanay sa Pagpapaunlad ng Mangosteen, Isinagawa


 

2015-06-11

 

 

Sumailalim sa pagsasanay ang halos animnapung miyembro ng Mangosteen Producer of Tayabas Association (MAPROTAS) at Liga ng mga Kagawad sa Agrikultura sa Paraang Organiko (Likas Po) mula sa lungsod ng Tayabas noong June 9, 2015 sa Ouans Worth Farm and Resort sa lungsod ng Lucena.

 

Ang pagsasanay para sa Rehabilitation and Management of Mangosteen ay isinagawa ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa pamamagitan ng Office of the Provincial Agriculturist sa hangarin ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez sa muling pagbangon at pag-unlad ng industriya ng mangosteen sa lungsod ng Tayabas matapos tamaan ng pesteng cocolisap ang mga puno nito.

 

Ang nasabing pagsasanay ay isa sa napagkasunduang programa at proyektong ipagkakaloob ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor sa pamumuno ni Roberto Gajo bukod sa malawakang paglalagay ng abono at pagsusuri ng lupa, pagtatayo ng local nursery at pagpapalakas ng produksyon ng organikong pataba.

 

Tinalakay sa pagsasanay ang tungkol sa Establishment and Management of Mangosteen Orchard na pinangunahan ni Dr. Leon Namuco, professor ng Crop Science Cluster sa University of Los Baños at Management of Coconut Scale Insect in Mangosteen ni Dr. Pio Javier, professor din ng naturang paaralan.

 

Nagpahayag ng pasasalamat ang grupo sa pamumuno ni Dolores Durana sa pamahalaang panlalawigan lalo’t higit kay Governor Suarez sa pagbibigay sa kanila ng tulong at suporta.

 

Nagpasalamat naman si Gajo sa lahat ng nakiisa sa naturang pagsasanay at ayon sa kanya ang pag-unlad ng industriya ng mangosteen sa Tayabas ay malapit ng matupad at magiging matagumpay sa pagtutulungan ng bawat isa. (Reygan Mantilla-Quezon PIO/OPA Info. Unit)

 
 
BACK