Bagong Claro M. Recto Memorial District Hospital, Pasisinayaan na


 

2015-06-11

 

 

Pormal nang pasisinayaan ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez ang bagong Claro M. Recto Memorial District Hospital sa Brgy. Gumian, Infanta, Quezon, kaalinsabay ng ika-51 taong anibersaryo ng naturang ospital sa ika-12 ng Hunyo, 2015.

 

Inaasahang magiging bahagi ng napakahalagang okasyon si Vice-President Jejomar Binay at Senador Ralph Recto na panauhing pandangal at tagapagsalita.

 

Ang bagong Claro M. Rector Memorial District Hospital ay naitayo sa hangarin at pagsisikap ni Governor Suarez sa tulong ng Department of Health (DOH) na makapagtayo ng bagong ospital sa malawak at ligtas na lugar.

 

Ayon kay Governor Suarez, hindi naging madali ang paghahanap ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon ng lupang maaaring pagtayuan ng bagong ospital.

 

Noong October 25, 2012, naisagawa ang groundbreaking ceremony sa 9,469 sq. meters na lupa sa Brgy. Gumian, Infanta, Quezon at dito naitayo ang 2,520 sq. meters na dalawang palapag na gusali ng ospital na may 25 bed capacity.

 

Sa kasalukuyan, ipinaaayos na ng gobernador ang pagpapagawa ng 405 sq. meters na karagdagang gusali na popondohan ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon kung saan dito ilalagay ang dialysis center, alternative medicine, sewerage treatment plant at kitchen.

 

Samantala, bago pa man tuluyang buksan sa publiko ang bagong ospital ay muling nagsagawa dito ng malaking medical at surgical mission noong nakaraang buwan bilang soft opening.

 

Ang naturang ospital ay itinayo upang makapagbigay ng mabilis na medical at healthcare services partikular sa mga taga REINA area (Real, Infanta & Gen. Nakar), gayundin sa mga islang bayan ng probinsya, ang Panukulan, Polilio, Patnanungan, Jomalig at Burdeos.

 

Ang pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa pamumuno ni Governor Suarez ay patuloy na naglalaan ng panahon at pondo upang mabigyan ng maayos na kalusugan at matatag na pamayanan ang buong lalawigan ng Quezon. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK