Road Safety Awareness Lay Forum, Isinagawa sa QMC


 

2015-06-09

 

 

Pinangunahan ng pamunuan ng Quezon Medical Center (QMC) ang pagsasagawa ng lay forum tungkol sa road safety awareness noong June 5, 2015 sa Conference Room ng naturang ospital, sa lungsod ng Lucena.

 

Ang forum na may temang “Mag-Ingat sa Daan, Upang Sakuna ay Maiwasan” ay nilahukan ng mga kawani ng naturang ospital ng pamahalaang panlalawigan at suportado ni Governor David "Jay-Jay" C. Suarez.

 

Ayon kay Dr. Rolando Padre, Chief of Hospital na layunin ng naturang forum na mabigyan ang kanilang mga kawani ng mahahalagang impormasyon tungkol sa kaligtasan sa daan at maiwasan ang anumang aksidente.

 

Tinalakay dito ang iba’t ibang vehicular accident at ibang kaugnay na aksidente sa daan base sa istatistika ng QMC na pinangunahan ni Dr. Kryss Angelo Toledo; kaligtasan sa daan para sa motorsiklo sa pangunguna ni Dr. Lendell John Gatchalian, Orthopedic Surgeon mula sa Est Avenue Medical Center; at mga paalala sa trapiko nina SPO2 Allan Ocampo at SPO1 Aldrin Rañola mula sa Traffic Investigation Division ng Lucena PNP at Traffic Enforcer Rolando De Juan.

 

Nagbahagi naman ng mga naging karanasan sa kalsada ng mga naging biktima ng vehicular accident at ilang motorista upang makapagbigay ng mga paalala.

 

Samantala, ayon sa datos ng Department of Health (DOH), taun-taon ay halos 1.2 milyong tao ang namamatay sa aksidente sa daan at halos 3,000 kada araw ang karagdagang bilang at 50 milyon ang tinatayang mga sugatan o malubha ang kapansanan dulot ng aksidente.

 

Ayon sa Traffic Management Group ng PNP na noong 2005 naiulat na 1.16% ng aksidente ay sanhi ng pagmamaneho ng lasing, may depekto ang makina ng sasakyan o mabilis na pagmamaneho. (Reygan Mantilla-Quezon PIO/QMC)

 
 
BACK