Quezon Participatory Guarantee System, Patuloy


 

2015-06-09

 

 

Patuloy ang pagpapatupad ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Office of the Provincial Agriculturist ng Quezon Participatory Guarantee System (Quezon PGS) sa buong lalawigan ng Quezon.

 

Ang Quezon PGS na patuloy na sinusuportahan ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez ay isang certifying body na nagbibigay ng garantiya sa organikong pamamaraan ng pagsasaka o produkto at upang matulungan sa merkado ang mga magsasaka at mga tagapagsulong nito.

 

Ang lalawigan ng Quezon ay kilala bilang isa sa may pinakamalaking lupain sa larangan ng Agrikultura sa buong CALABARZON kaya naman patuloy na pinalalakas ang sektor ng agrikultura sa lalawigan sa ilaim ng Serbisyong Suarez sa Agrikultura.

 

Matatandaan na noong September 11, 2011 ng maipakilala ang PGS sa lalawigan ng Quezon sa kolaborasyon ng University of the Philippines Agricultural System Cluster, DA-BAR Project at ng MASIPAG Organization. Ang PGS ay binubuo ng mga Farmers Organization, Non-Government Organization, Local Producers at mga local government unit.

 

Ayon kay Roberto Gajo, Provincial Agriculturist na malaki ang naging angat ng Quezon sapagkat buo ang suporta ng pamahalaang panlalawigan sa katunayan ay nabigyan ng pagkilala ang Quezon na kauna-unahang nag-adopt ng PGS sa Provincial Level.

 

Pangunahing layunin ng PGS na palakasin ang small-scale organic stakeholders sa pagpapanatili ng integridad at kalidad ng mga organikong produkto. Dito ay laging ipinapaalala na ang organikong pagsasaka ay pagsasakang may konsensya dahil ito ay nakabase sa tiwala at responsableng pagsasaka.

 

Ayon pa kay Gajo na marami na ang gumagamit ng sistemang ito sa buong mundo at maraming maliliit na magsasaka na ang nabebenipisyuhan nito at nadaragdagan pa taun-taon. (Reygan Mantilla-Quezon PIO/OPA Info. Unit)

 
 
BACK