Quezon Medical Center, Tumanggap ng mga Donasyong Equipment


 

2015-06-04

 

 

Tumanggap ng mga bagong kagamitan ang Quezon Medical Center (QMC) mula sa East Meets West Foundation noong May 31, 2015 sa simpleng turn-over ceremony na isinagawa sa naturang ospital.

 

Ang turn-over ay pinangunahan nina Iris Gokeelao, Country Director ng naturang foundation, Dr. Rolando Padre, Chief of Hospital at Dr. Dennis Rivere, Head of Department of Pediatrics ng QMC.

  

Ang mga donasyong equipment ay kinabibilangan ng dalawang (2) unit ng suction machine, tatlong (3) unit ng bubble CPAP machine, 100 pcs. ng CPAP cannula, isang (1) bubble CPAP set, apat (4) unit ng infant warmer, tatlo (3) unit ng double-sided phototheraphy , tatlo (3) unit ng LED phototheraphy, isang (1) unit ng light meter at tatlo (3) unit ng hand sanitizer set.

 

Ito ay nakalaan para sa Neonatal Intensive Care Unit (NICU) and Pediatric Ward ng Quezon Medical Center.

 

Lubos ang pasasalamat sa kagandahang loob ng East Meets West Foundation ng pamunuan ng ospital lalo’t higit ang Department of Pediatrics na makikinabang sa mga donasyong kagamitan.

 

Malaking bagay anila ang naturang mga kagamitan at aparato sa mga batang dinadala sa kanila partikular ang mga bagong-silang na sanggol na may problema sa kanilang kalusugan.

 

Ipinangako din ng pamunuan ng ospital na pangangalagaan at iingatan ang ipinagkaloob na mga kagamitan upang magamit ng matagal.

 

Ikinatutuwa ng pamahalaang panlalawigan ang pagkakaloob ng donasyong mga kagamitan ng pribadong sektor sa pampublikong pagamutan ng lalawigan lalo’t ngayon ay sinisikap ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez na maging maayos ang operasyon ng naturang ospital. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK