Minerals sa Quezon, Patuloy na Binabantayan ng PMRB


 

2015-06-01

 

 

Patuloy na binabantayan ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa pamamagitan ng Provincial Mining and Regulatory Board (PMRB) ang mga minerals sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan at sinisiguro na naisasagawa ang responsableng pagmimina.

 

Ito ang ipinahayag ni Chief of Staff Webster Letargo na kumakatawan kay Governor David “Jay-Jay” C. Suarez bilang Vice-Chairman sa PMRB sa harap ng mga kawani ng pamahalaang panlalawigan sa isinagawang flag raising ceremony.

 

“Hindi ganon karami ang minerals sa ating lalawigan ngunit patuloy natin itong binabantayan at sinisiguro na maayos ang pagmimina,” ayon kay Letargo.

 

Pinabulaanan naman ni Letargo ang mga bali-balitang may nagaganap na quarry sa bundok banahaw sapagkat isang kilometro mula sa paanan ng bundok ay protected area pa din at nagsisimula lamang pagkalampas ng protected area.

 

Ayon pa kay Letargo na naglabas si Governor Suarez ng moratorium sa pagku-quarry sa bayan ng Sariaya sapagkat noong nakaraang taon ay nagkaroon ng isang programa ng flood control.

 

“Flood control na talaga ang gagawin sa bayan ng Sariaya, hindi pa lang kumpleto yung mga dokumento kaya sinabi ng gobernador na itigil muna natin para maisiguro at malagyan natin ng mga protective measures ang pagku-quarry,” dagdag pa ni Letargo.

 

Sa naturang flood control program, pagbaba ng tubig sa bundok banahaw dapat aniyang may dadaluyan ng maayos ang tubig diretso hanggang dagat ng Tayabas Bay.

 

Samantala, masayang ibinalita naman ni Letargo na nakapagpasok ang PMRB ng karagdagang kita sa lalawigan ng Quezon sa loob ng dalawang taon na P6,246,000.00.

 

Gayundin, ibinahagi din ni Letargo ang natanggap na parangal ng pamahalaang panlalawigan partikular kay Governor Suarez mula sa Mines and Geosciences Bureau (MGB) Region IV-A sa pagiging epektibong katuwang sa pagpapatupad ng RA 7942 o Philippine Mining Act of 1995 sa nakalipas na tatlong taon. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK