Quezon Herbal Pavilion, Sisimulan ng Itayo; MOA Signing at Groundbreaking, Isinagawa


 

2015-05-27

 

 

Muling ibabalik ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon katuwang ang lokal na pamahalaan ng bayan ng Atimonan at Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region IV-A ang ganda at anyo ng Quezon National Park at maging lehitimong tourist attraction sa lalawigan ng Quezon.

 

Ito ang pahayag ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez sa isinagawang paglagda sa Memorandum of Agreement (MOA) at Groundbreaking Ceremony ng Quezon Protected Landscape Herbal Pavilion sa Quezon Protected Landscape (Quezon National Park), Zigzag Road, Brgy. Malinao Ilaya, Atimonan, Quezon noong May 26, 2015.

 

“Noong una kaming bumisita dito ay nagulat kami dahil it was in a very very bad shape, dati meron daw po mga upuan dito, mga lamesa na pinagpi-piknikan dito ng mga tao, may covered housing, but all of it due to time and because of destruction was allowed to be destroyed because of neglect,” ayon pa sa gobernador.

 

Makikita din dito ang napakagandang plantation ng punong malabayabas na uri ng puno na endemic lamang sa lalawigan Quezon na personal na nakita ng gobernador ng inikot nito ang loob ng Quezon National Park kasama ang Atimonan Tourism Council, Provincial Government-Environment and Natural Resources Office (PG-ENRO), Office of the Provincial Agriculturist at ilang pinuno ng tanggapan ng pamahalaang panlalawigan.

 

Sa pamamagitan naman ni Atimonan Mayor Jose Mendoza ay nade-develop na ang rock climbing activity sa pababa ng isasaayos na pavilion. Matatagpuan sa naturang lugar ang historical landmark na Pinagbanderahan.

 

Bukod sa pagpapalakas ng turismo sa naturang lugar, layunin din ng pamahalaang panlalawigan sa pagpapaganda ng Quezon National Park ay ang programang paggamit at pagpapalaganap ng halamang gamot sa lalawigan ng Quezon.

 

Hinikayat naman ng gobernador ang Southern Luzon State University (SLSU) sa pamamagitan ni Cecilia Gascon, dating presidente ng paaralan na magsagawa din ng species identification ng mga halaman at puno na matatagpuan sa Quezon National Park katulad ng ginawa nila sa Bundok Banahaw para maibalik ang ecological balance sa naturang parke.

 

Samantala, ipinaliwanag din ng gobernador ang kahalagahan ng tri-boundary area na kinabibilangan ng Atimonan, Pagbilao at Padre Burgos sa aspeto ng isinusulong na eco-tourism sa lalawigan ng Quezon.

 

Sa bahagi ng Atimonan ay ang naturang Quezon National Park na pinondohan ng pamahalaang panlalawigan ng P25M para sa pagsasaayos, pagpapaganda, pagpapagawa ng naturang pavilion at paggagawa ng trekking area; sa bayan ng Pagbilao naman itatayo ang Pagbilao Mangrove Reforestation at sa Padre Burgos makikita ang magagandang beach na dinarayo ng mga turista tulad ng Borawan, Hinguiwin Caves at iba pa.

 

Ayon pa sa gobernador na excited ang lalawigan ng Quezon sa proyektong ito na bukod sa pagpapanumbalik ng ganda ng naturang parke ay mabibigyan din ng panibagong anyong kaunlaran ang lugar na ito at mga bayan na nasa palibot nito.

 

Isa pa sa nais mangyari ng gobernador na maka-generate ng trabaho sa mga naninirahan sa paligid ng parke para maiwasan ang pagpuputol ng puno, pagkakaingin na nakakasira sa ating kalikasan.

 

Nagpahayag ng pasasalamat si Mayor Jose Mendoza ng Atimonan kay Governor Suarez sa maganda at malaking proyektong ipatutupad sa kanyang bayan. Napakaswerte umano ng bayan ng Atimonan at ang lugar na ito ay magiging isang tourist destination sa lalawigan ng Quezon.

 

Ikinatuwa naman ni Director Reynuldo Juan, Regional Director ng DENR IV-A ang mga ginagawa ni Governor Suarez sa aspeto ng environmental protection and rehabilitation na pangunahing tinututukan ng ahensya. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK