Libreng Herbal na Pananim, Ipinamahagi


 

2015-05-25

 

 

Kaugnay ng pagpapatupad ng Herbal Program sa lalawigan na Quezon ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez ay nagsimula na ang pamamahagi ng mga libreng pananim sa mga napiling bayan sa Quezon tulad ng bayan ng Sariaya, Pagbilao, Padre Burgos, Agdangan, General Luna at lungsod ng Tayabas.

 

Sa kasalukuyan ay nakapagbigay na ng hindi bababa sa 450,000 pananim na lemon grass o tanglad, 7,000 kilos na luyang dilaw, 40,000 pananim na siling labuyo at magsisimula na ring mamigay ng iba pang halamang gamot tulad ng malunggay.

 

Matatandaan nab ago pa mana naipamigay ang mga nabanggit na mga halamang gamot, ang bumubuo ng programa ay nagsagawa na ng pagsasanay upang masigurong naaayon sa pamantayan ang gagawing pagtatanim ng mga produktong nabanggit.

 

Inaasahan na sa darating na buwan ay maaari ng magkaroon ng paunang ani ng iba’t ibang mga halamang gamot sa natukoy na mga bayan.

 

Ang nasabing programa ay nasa ilalim ng pamamahala ng Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor sa pamumuno ni Roberto Gajo at sa pagsubaybay ni Walter Dapla. Kaisa rin sa programang ito ang Organikong Kalakaran sa Quezon (OK sa Quezon) na isa sa mga organisasyong nagtataguyod ng organikong pamamaraan ng pagtatanim.

 

Samantala, isasagawa na bukas, May 26, 2015 ang groundbreaking ceremony ng itatayong Quezon Adventure Park – Quezon Protected Landscape Herbal Pavilion sa Quezon Protected Landscape (dating Quezon National Park), Atimonan Zigzag Park, Malinao Ilaya, Atimonan, Quezon.

 

Ang naturang pasilidad ang magiging sentro ng herbal program ng pamahalaang panlalawigan kung saan makikita ang iba’t ibang uri ng halamang gamot (kabilang ang mga gamit at pamamaraan) at magsisilbing display center ng mga produktong mapo-produce ng iba’t ibang samahan, kooperatiba o indibidwal sa lalawigan kaugnay ng herbal program. (Reygan Mantilla-Quezon PIO / OPA Info. & Training Unit)

 
 
BACK