No Balance Billing Card ng Philhealth, Ipinamahagi ni Gov. Suarez


 

2015-05-21

 

 

Walumpu’t pitong (87) residente mula sa iba’t ibang barangay sa lungsod ng Lucena ang napagkalooban ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez ng No Balance Billing Card ng PhilHealth noong May 20, 2015 sa Bulwagang Kalilayan, Capitol Compound, Lucena City.

 

Ayon kay Governor Suarez, ito ay isa sa bagong programang ipinatutupad ng pamahalaang panlalawigan katuwang ang PhilHealth para sa mga Quezonian na mao-ospital ngunit hindi miyembro ng PhilHealth.

 

“Nasasayangan ako sa pondo ng PhilHealth dahil patuloy na namimigay ng PhilHealth Card ang problema hindi naman nagagamit ng iba dahil hindi naman sila nagkakasakit, mas maganda kung kailan magkakasakit saka mabigyan ng PhilHealth para nama-maximize nila ang pondo,” dagdag pa ng gobernador.

 

Sa programang ito, sasagutin ng pamahalaang panlalawigan ang kalahati ng premium na P1,200 para sa outright enrolment sa PhilHealth ng isang tao na mako-confine sa mga pampublikong pagamutan sa lalawigan ng Quezon.

 

“Malaki yung halaga na P2,400 para maging member, kaya ang maitutulong ng pamahalaang panlalawigan ay sinasagot naming ang kalahati at kung makita namin na talagang walang kakayanan ang isang pamilya na magbayad ng kalahati, sinasagot na namin ang kabuuan,” dagdag pa ng gobernador.

 

Inihalimbawa ng gobernador si Jessica Añonuevo, residente ng Purok 1-B, Brgy. Dalahican sa lungsod ng Lucena na sumailalim sa cholecystitis operation sa Quezon Medical Center (QMC) at umabot ang hospital bill sa P50,661 ngunit ang binayaran lamang ay P1,200.

 

Dahil dito, lubos ang pasasalamat ng mga nabiyayaan ng naturang programa sa pamahalaang panlalawigan ng Quezon lalo’t higit kay Governor Suarez sa napakalaking tulong na ibinigay sa kanila.

 

Samantala, ipinaliwanag din ng gobernador ang iba pang programang ipatutupad at ipinatutupad ng pamahalaang panlalawigan na makakatulong sa kanila tulad ng Quezon One Thousand (Q1K), Herbal Program at Lingap Kalusugan sa Barangay o Health Coupon. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK