Governor Suarez, Nakiisa sa Brigada Eskwela


 

2015-05-20

 

 

Pinangunahan ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez ang isinagawang Brigada Eskwela ng Department of Education (DepEd) sa Infanta National High School at Infanta Central Elementary School sa pagsisimula nito noong May 18, 2015 sa bayan ng Infanta, Quezon.

 

Ayon kay Governor Suarez, taun-taon siya at kanyang maybahay, Unang Ginang Anna Villaraza-Suarez na nakikiisa sa programa ng DepEd na Brigada Eskwela sa pamamagitan ng pagtulong sa paglilinis at pag-aayos ng school kasama ang ilang kawani ng pamahalaang panlalawigan at mahigit walong libong Serbisyong Suarez Scholars.

 

“Tinutulungan namin ang mga guro na ayusin ang mga paaralan para ihanda ito sa mga batang papasok sa susunod na pasukan,” dagdag pa ng gobernador.

 

Kaisa ang mga magulang, mag-aaral, opisyal ng barangay at bayan, kapulisan, serbisyong suarez scholars, kawani ng pamahalaang panlalawigan ay pinangunahan ng Ama ng Lalawigan ang pagtatabas ng mga damo at pagpipintura.

 

Hindi alintana ng gobernador kasama sina 1st District Board Member Techie Dator, Provincial Administrator Rommel Edaño at Gerry Talaga ang sobrang init ng panahon para tumulong sa naturang mga paaralan.

 

Nagkaloob din ang pamahalaang panlalawigan ng mga kagamitan tulad ng walis, kalaykay, pintura at iba pa para makatulong sa mabilis na paglilinis at pagsasaayos ng pampublikong paaralan.

 

Samantala, pinangunahan naman ni Unang Ginang Anna Villaraza-Suarez ang paglilinis at pagpipintura ng ilang pasilidad ng Binagbag National High School sa bayan ng Agdangan at Padre Burgos Central School sa bayan ng Padre Burgos noong May 19, 2015.

 

Ngayong araw ng Miyerkules, May 20, 2015, pupuntahan naman ng grupo ng unang ginang ang ilang pampublikong paaralan sa bayan ng San Narciso at Buenavista para makiisa pa din sa paglilinis ng paaralan.

 

Ang Brigada Eskwela o National Schools Maintenance Week na nagsimula noong May 18, 2015 ay magtatagal hanggang sa Sabado, May 23, 2015 at itinakda ng DepEd ang pagbubukas ng klase sa June 1, 2015. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK