Industriya ng Mangosteen sa Tayabas, Tutulungan ng Pamahalaang Panlalawigan


 

2015-05-14

 

 

“Tutulong ang ating Pamahalaang Panlalawigan sa muling pagbangon at pag-unlad ng industriya ng mangosteen sa lungsod ng Tayabas matapos tamaan ng pesteng cocolisap ang mga puno ng mangosteen.” Ito ang inihayag ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez sa mga miyembro ng Mangosteen Producers of Tayabas Association (MAPROTAS) at Liga ng mga Kagawad sa Agrikultura sa Paraang Organiko (LIKAS PO) sa isinagawang lakbay-aral sa Unisan noong May 12, 2015.

 

Ayon pa sa gobernador na ang mangosteen ng Tayabas ang pinakamasarap na mangosteen na kanyang natikman kung kaya’t malaki ang potensyal nito na makilala sa buong bansa.

 

Dahil dito, marapat lamang aniya na masiguro na ang mga itatanim na uri ng mangosteen sa lungsod ng Tayabas ay tunay na matatamis at masasarap na tunay na dinarayo ng mga mamimili.

 

Ilan sa mga napagkasunduang programa at proyektong ipagkakaloob ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor sa pamumuno ni Roberto Gajo ay malawakang paglalagay ng abono at pagsusuri ng lupa, pagtatayo ng local nursery, pagpapalakas ng produksyon ng organikong pataba, at pagbibigay ng kasanayan sa mga kasapi ng samahan sa pamamagitan ng mga seminar at training.

 

Nais din ng gobernador na magkaroon ng value adding sa produktong ito at sa iba pang produktong pang-agrikultura upang magkaroon ng dagdag na kita ang mga magsasaka.

 

Napapanahon din aniya ang planong pagtatayo ng Food Processing Center sa Talipan sa bayan ng Pagbilao para sa direksyong ito ng agrikultura sa lalawigan.

 

Samantala, naging bahagi din ng naturang lakbay-aral ang Quezon Herbal Program na ipinaliwanag ni Walter Dapla bilang QHP Coordinator at ang pagsasanay sa wastong pagtatanim ng mangosteen na ipinaliwanag naman ni Joel Alpay. (Reygan Mantilla-Quezon PIO/OPA-Info Unit)

 
 
BACK