6th Governor David C. Suarez Cup, Sinimulan Na


 

2015-05-14

 

 

Pormal nang sinimulan sa lalawigan ng Quezon ang ika-anim na Governor David C. Suarez Cup Inter-town Basketball Tournament sa Quezon Convention Center, lungsod ng Lucena noong May 13, 2015.

 

Ang pagsisimula ay personal na pinangunahan nina Governor Suarez at MMDA Chairman Atty. Francis Tolentino bilang panauhing pandangal.

 

Ayon sa gobernador, layunin ng pamahalaang panlalawigan sa pagsasagawa ng ganitong torneyo ay maka-develop ng mga lokal na talento sa paglalaro ng basketball at makapagbuo ng lehitimong Quezon Basketball Team sa taong 2017 na siyang dadayo sa ibang lalawigan sa iba’t ibang liga para maipakita ang husay at galing ng mga Quezonian sa larangan ng basketball.

 

Dagdag pa ng gobernador na ang torneyo na tatagal ng tatlong buwan ay mangyayari hindi sa Quezon Convention Center kung hindi sa bawat bayan na kasali at may pagkakataon ang mga kababayan na masaksihan at masuportahan ang koponan ng kani-kanilang bayan.

 

At dahil nauunawaan ng gobernador ang malaking kagastuhan sa paglalaro out-of-town ng iba’t ibang koponan ay magkakaloob ng tulong pinansyal ang pamahalaang panlalawigan sa bawat koponan ng halagaang P100,000, karagdagang P50,000 sa mga makakapasok sa 2nd round at P50,000 muli sa mga makakapasok sa 3rd round.

 

Bukod sa tulong pinansyal, ang mga magwawagi ay tatanggap ng P100,000.00 (champion), P75,000.00 (1st runner-up) at P50,000.00 ( 2nd runner-up). Gayundin, ang bayang magiging kampeyon ay mapagkakaloob ng 1 brand new covered basketball court.

 

Lubos naman ang pasasalamat ng gobernador sa mga punong bayan at lungsod sa suporta sa ika-anim na governor’s cup at sumali sa naturang torneyo dahil umabot sa 36 bayan at 2 lungsod ang nakiisa.

 

Sa unang distrito kabilang ang bayan ng General Nakar, Infanta, Lucban, Mauban, Pagbilao, Panukulan, Polilio, Real, Sampaloc at lungsod ng Tayabas. Sa ikalawang distrito ay kinabibilangan ng Candelaria, Dolores, San Antonio, Sariaya, Tiaong at lungsod ng Lucena. Sa ikatlong distrito ay Agdangan, Buenavista, Catanauan, General Luna, Macalelon, Mulanay, Padre Burgos, Pitogo, San Andres, San Francisco, San Narciso at Unisan. Ikaapat na distro ay Alabat, Atimonan, Calauag, Guinayangan, Gumaca, Lopez, Perez, Plaridel, Tagkawayan at Quezon.

 

Samantala, kaugnay ng kampanya ni Governor Suarez sa ipinagbabawal na gamot ay magsasagawa ng regular random drug testing sa mga manlalaro.

 

“Habang naglalaro kayo, huwag kayong magugulat kung bigla mabunot ang numero at pangalan ninyo at hihingiin ang inyong ihi para sa drug test. Kapag nalaman na positibo sa ipinagbabawal na gamot ang lahat ng puntos sa lahat ng laro ng manlalarong positibo ay mababalewala,” pahayag ng gobernador.

 

Ayon pa sa gobernador na walang pipiliin dahil random ang isasagawang drug testing at siya mismo kahit hindi manlalaro ay sasailalim din sa naturang drug test.

 

Sinimulan ang governor’s cup sa pamamagitan ng pagparada ng mga manlalaro na nagsimula sa St. Ferdinand Cathedral Compound patungong Quezon Convention Center na pinangunahan ng AFP SOLCOM Band. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK