Libreng Pagsusuri sa HIV-AIDS, Isasagawa sa QMC


 

2015-05-11

 

 

Tatlong araw na magsasagawa ang pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa pamamagitan ng Integrated Provincial Health Office (IPHO) katuwang ang Quezon Medical Center (QMC) ng libreng pagsusuri sa sakit na HIV/AIDS sa May 13 – 15, 2015 sa naturang ospital.

 

Ayon kay Dr. Grace Santiago, Head ng Technical Services Division ng IPHO, ang pagsusuri na libreng ipagkakaloob ay pwede sa lahat lalo’t higit sa mga taong palagay nila ay posibleng mayroong sakit na HIV-AIDS.

 

Ayon pa kay Santiago na ang HIV/AIDS o Human Immunodeficiency Virus and Acquired Immune Deficiency Syndrome ay hindi lamang nakukuha dahil sa pakikipagtalik at hindi sakit ng isang imoral na tao.

 

Bukod sa pakikipagtalik, maaari makuha ang sakit na ito mula sa ina na may HIV patungo sa sanggol sa kanyang sinapupunan sa pamamagitan ng pagbubuntis, panganganak at pagpapasuso, kapag nasalinan ng dugo na may HIV, paghihiraman ng heringilya o karayom, pagpapa-tattoo.

 

Idinagdag pa ni Santiago na ang lahat ng magpapasuri ay mapapangalagaan ang katauhan sapagkat ipapatupad nila ang strict-confidentiality na isinasaad ng Republic Act No. 8504 o AIDS Prevention and Control Act of 1998.

 

“Meron na tayong kaso sa Quezon, bagamat kakaunti ay hindi natin ipagwawalang-bahala ito,” dagdag pa ni Santiago.

 

Samantala, magsasagawa din ng candle-lighting ceremony sa May 15, 2015 sa ganap na alas-5 ng hapon sa QMC Compound para alalahanin at magbigay ng panalangin sa mga nagtataglay ng sakit at mga sumakabilang-buhay na dahil sa naturang sakit.

 

Hinihikayat naman ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez ang lahat ng mamamayan lalo’t higit ang mga kawani ng pamahalaang panlalawigan na sumailalim sa naturang pagsusuri upang masigurong malusog at ligtas sa naturang sakit ang bawat isa at maiwasan ang pagkalat pa nito.

 

Ayon sa datos ng Department of Health (DOH) Philippine HIV and AIDS Registry ay umabot na sa 22,018 ang naitalang kaso ng HIV/AIDS sa bansa simula noong 1984-2014.

 

Ang HIV ay isang uri ng virus na nagiging sanhi ng AIDS na pinahihina nito ang natural na depensa ng katawan ngunit maaaring manatiling malusog tingnan ang isang taong may HIV sa loob ng mahabang panahon.

 

Ang AIDS naman ay isang kondisyon ng katawan na kung saan wala na itong kakayanang lumaban sa sakit tulad ng tuberculosis, pulmonya, kanser at marami pang iba na pwedeng maging sanhi ng kamatayan. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK