Panlalawigang Dayalogo ng Disaster Preparedness Manual at Oplan Listo, Isinagawa


 

2015-05-11

 

 

Bilang bahagi ng pagpapatupad ng Oplan Listo sa lalawigan ng Quezon ay isinagawa ang panlalawigang dayalogo ng Oplan Listo at Disaster Preparedness Manual na pinangunahan ng Department of Interior and Local Government (DILG) – Quezon katuwang ang pamahalaang panlalawigan ng Quezon noong May 7, 2015 sa Queen Margaret Hotel, Lungsod ng Lucena.

 

Ayon kay Engr. Vilma de Torres, OIC – Provincial Director ng DILG, ang dayalogo ay ikalawang hakbang ng pagpapatupad ng Oplan Listo sa lalawigan na may layuning maunawaan at malaman ang tungkulin at commitment ng bawat stakeholder pagdating sa disaster preparedness. Gayundin, upang mapatibay ang ugnayan ng bawat isa.

 

Ang dayalogo ay nilahukan ng iba’t ibang civil society organization, local research institute, private sector, media, PNP, AFP at municipal social welfare and development officer ng bawat bayan at lungsod sa lalawigan na nagpahayag ng pagsuporta sa pamamagitan ng Commitment Signing.

 

Matatandaan, inilunsad ang Disaster Preparedness Manual at Oplan Listo sa Quezon noong April 13, 2015 na pinangunahan nina Governor David “Jay-Jay” C. Suarez, DILG-IVA Regional Director Josefina Castilla-Go at Regional Director Vicente Tomazar ng Office of the Civil Defense IV-A upang mapagsanay ang lokal na pamahalaan lalo’t higit ang mga taong nasa komunidad nito na maging listo sa panahon ng kalamidad.

 

Ang Oplan Listo ay isang malawakang pagkilos na binuo ng DILG na naglalayong ipaalam sa bawat Pilipino lalo’t higit sa lokal na pamahalaan ang kahalagahan ng tamang paghahanda at mga tamang aksyon sa panahon ng sakuna.

 

Sa bahagi ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council sa pamumuno ni Governor Suarez ay sinisigurong laging nakahanda ang lokal na pamahalaan sa anumang kalamidad na dumating sa lalawigan ng Quezon. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 

 
 
BACK