Quezon FITS Center, Inilunsad


 

2015-05-08

 

 

Inilunsad ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Office of the Provincial Agriculturist ang FITS Center (Farmers Information and Technology Services) ng lalawigan ng Quezon sa naturang tanggapan, kamakailan.

 

Ayon kay Roberto Gajo, Provincial Agriculturist na layunin ng programa na mabigyan ng karagdagang kaalaman ang mga magsasaka sa makabagong teknolohiya sa pamamagitan ng paghanap ng impormasyon sa FITS Center.

 

Dagdag pa ni Gajo na magiging venue din ito ng mga magsasaka para sa kanilang pagbabasa at pagsasaliksik tungkol sa mga teknolohiya na isinasagawa ng mga eksperto para sa pagpapadali ng gawain ng mga magsasaka.

 

Mapapanood din dito ang mga matagumpay na proyekto na isinagawa ng panlalawigan pang-agrikultura at maaari din nilang malaman ang mga proyekto na isasaagawa ng Serbisyong Suarez sa Agrikultura.

 

Ang nasabing center ay maaasahan din maging epektibo sa pag-indorso ng mga makabagong paraan sa pagsasaka at pangingisda na kung saan ay ipapatupad ang implementasyon ng Techno Gabay Program.

 

Ito ay magsisilbing lugar na kung saan ipapatupad ang mga isinagawang pag-aaral ng mga sangay ng Techno Gabay Program tulad ng Farmers Information and Technology Services (FITS) o Techno Pinoy, Magsasaka Siyentista, Information Education and Communication at Information and Communications Technology.

 

Kaugnay nito, inaanyayahan ang lahat ng magsasaka, mangingisda at maging mga mamamayan na interesado na bumisita at mag-aral ng mga makabagong teknolohiya upang mapaunlad ang agrikultura at pangingisda sa lalawigan ng Quezon.

 

Katuwang sa paglalagay ng FITS Center sa Quezon ang Agricultural Training Institute (ATI) Region IV-A at sinusuportahan ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez sa ilalim ng programang Serbisyong Suarez sa Agrikultura.

 

Ang paglulunsads ay dinaluhan ng mga pangulo at opisyales ng iba’t ibang Rural Based Organization, mga pambayang agrikultor at mga kawani ng Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor. (Reygan Mantilla-Quezon PIO / OPA-Info. & Training Unit])

 
 
BACK