DOST-Starbooks Project, Inilunsad sa Quezon


 

2015-05-06

 

 

Inilunsad na sa lalawigan ng Quezon sa pamamagitan ng Quezon Provincial Library sa pakikipagtulungan sa Librarians Association of Quezon Province – Lucena Inc. (LAQueP-LInc) at Department of Science and Technology (DOST) ang DOST-STARBOOKS sa Manuel S. Enverga University Foundation Library Seminar Hall, kamakailan.

 

Ang DOST-STARBOOKS o Science and Technology Academic and Research-Based Openly Operated Kiosk Stations ay isang digital library na naglalaman ng mga impormasyon tungkol sa science and technology at pangkabuhayan na binuo ng Science and Technology Information Institute (STII) ng DOST.

 

Ayon kay Ismaelinda Cabana, Provincial Librarian na ito ay isang istratehiya ng DOST para maging accessible at available sa lahat ang mga impormasyon tungkol sa Science and Technology.

 

Dagdag pa ni Cabana na malaki ang maitutulong nito sa mga mag-aaral, mananaliksik at negosyante na makakakuha ng kinakailangang mga impormasyon sa mabilis na pamamaraan.

 

Ang STARBOOKS ay naglalaman ng libo-libong digitized journals, serial publications, reference materials, Encyclopedia Britannica, annual reports, theses and dissertations, technical and project reports at directory ng DOST-STII library materials. Gayundin, naglalaman din ito ng mga video tulad ng “Tamang DOSTkarte Livelihood Videos” para sa mga nagnanais makapagsimula ng negosyo.

 

Ayon pa kay Cabana, ang STARBOOKS ay stand-alone kiosk na hindi na kinakailangan ang internet connection upang makakuha ng mga impormasyon na naaangkop sa mga pampublikong aklatan.

 

Ang proyektong STARBOOKS sa Quezon ay ipatutupad sa pagtutulungan ng DOST IV-A sa pamumuno ni Regional Director Dr. Alexander Madrigal, DOST-Quezon sa pamumuno ni Provincial Director Esperanza Jawili, pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez at LAQueP-LInc.

 

Sa pagsisimula ng paggamit ng STARBOOKS sa Quezon ay sumailalim sa orientation at training ang lahat ng miyembro ng LAQueO-LInc. at focal person ng ilang educational institution sa probinsya. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK