Job Fair sa Sm City Lucena, Pinilahan


 

2015-05-04

 

 

Pinilahan ng libu-libong aplikante ang job fair na isinagawa sa SM City Lucena noong Mayo 1 kaalinsabay ng Araw ng Paggawa – isang taunang programa ng Department of Labor and Employment (DOLE) kaagapay ang SM Supermalls at Provincial Employment and Service Office (PESO) upang matulungan na magkatrabaho ang maraming mamamayan na walang hanapbuhay.

 

Ayon kay Edwin Hernandez, Quezon Provincial Director ng DOLE, ang programa nilang ito ay dinesenyo upang matulungan ang mga walang trabaho sa isang lokalidad at maibagay ang kanilang skills sa hinahanap ng isang kumpanya.

 

Dagdag pa niya, sa taong ito ay 53 kumpanya ang lumahok sa kanilang job fair, apat dito ay foreign companies. Karamihan aniya na hinahanap ng foreign companies ay caregivers at merchandisers.

 

Nabatid pa kay Dir. Hernandez na namomonitor nila kung sumusunod ba sa itinakda ng batas na minimum wage ang mga kumpanya na kasali sa kanilang job fair.

 

Sa ngayon aniya, ang umiiral na minimum wage sa Quezon ay P310 basic plus P12.50 Conditional Temporary Productivity Allowance (CTPA) plus P13 socio economic allowance para sa total na P335.50 minimum wage.

 

Siniguro din niya na kung wala mang petition for wage increase ay awtomatik na nire-review ng National Wage Board ang umiiral na mimimum na pasahod sa mga manggagawa.

 

Base sa kanilang datos ay umaabot sa 92,000 ang walang trabaho sa probinsya at ang datos na ito ay ‘yun lamang nakatala sa mga Public Employment Services Office.

 

Meron din daw silang target na 20% ‘hired on the spot’ o HOTS mula sa total number of registrants. Ang target goal na ito ay tumaas mula noong nakaraang taon na 15% lamang subalit hindi pa nila ito naabot. Aniya’y ito’y dahil hindi rin maka-comply sa qualifications ng mga kumpanya ang mga aplikante. Gayunman, inaabisuhan naman daw sila ng mga kumpanya kung may mga matatanggap na aplikante sa mga darating na araw mula sa mga active files na isinumite noong May 1.

 

Ayon kay Atty. Melojean Puache, Quezon PESO officer, umabot ang bilang ng nagparehistro o job applicants sa 1,160 sa local employment at 176 ang aplikante sa mga trabaho sa abroad.

 

Sa report ni Lilibeth Azores, Senior PR Manager ng SM South Luzon 2 & 3, may 32 aplikante ang na “hired on the spot” sa iba’t ibang kumpanya.

 

Samantala, tuluy-tuloy pa rin ang isinasagawang local recruitment activity ng Provincial Employment Service Office (PESO) na isa sa atas ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez na mabigyan ng trabaho ang bawat Quezonian. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK