Hello Quezon! Hello World; Inilunsad


 

2015-05-04

 

 

Sa patuloy na pagpapalakas ng turismo sa lalawigan ng Quezon ay inilunsad ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Quezon Provincial Tourism Office sa pakikipagtulungan ng SM City Lucena ang “Hello Quezon! Hello World”.

 

Ayon kay Alberto “Jun” Bay, OIC-Provincial Tourism Officer na layunin ng naturang aktibidad na maipamalas at mai-promote ang iba’t ibang likas na yaman, produkto, tradisyon, kultura, likas na pamana at festival ng iba’t ibang bayan sa lalawigan ng Quezon na isa sa tinututukan ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez.

 

Ang proyekto ay nasa ika-apat na taon na at ngayong taong ito ay itatampok dito ang iba’t ibang tourism products ng dalawang bayan at best of the best ng lalawigan ng Quezon sa pamamagitan ng Tourism Office.

 

Noong April 24 – 25, 2015 ay ipinamalas ng bayan ng Perez ang kanilang mayamang kultura sa pamamagitan ng isang cultural presentation at exhibit na isinagawa sa Event Center ng SM City Lucena.

 

Noong May 2 – 3, 2015 ay pinangunahan naman ng Tourism Office ang pagpapakita ng iba’t ibang produkto, kultura sa pamamagitan ng mga sayaw ng lahi, at higit sa lahat ang mga naggagandahang beach resort sa lalawigan ng Quezon tulad Atimonan, Sariaya, Cagbalete Island ng Mauban. Borawan Island ng Padre Burgos at Kwebang Lampas ng Pagbilao.

 

Ang aktibidad na ito ay isa ring malaking pagkakataon sa mga lokal na turista maging ng mga Quezonian na hindi nakababatid sa mga magagandang beach na meron sa lalawigan ng Quezon at hindi na kailangan pang pumunta sa malalayong lugar.

 

Ayon sa pamunuan ng SM City Lucena sa pamumuno ni Mall Manager Maricel Alquiros na suportado nila ang mga kahalintulad na aktibidad lalo pa’t malaki ang maitutulong para makilala at mai-promote ang turismo ng lalawigan. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK