Pagsasanay sa Good Hygienic Slaughtering Practices, Isinagawa


 

2015-05-04

 

 

Sumailalim sa tatlong araw na pagsasanay sa Good Hygienic Slaughtering Practices ang mga meat inspectors mula sa iba’t ibang bayan sa lalawigan ng Quezon at ilang kawani ng Provincial Veterinary Office noong April 27 – 29, 2015 sa Oaun’s Worth Farm and Resort, Lungsod ng Lucena.

 

Ang naturang pagsasanay ay programa ng Agricultural Training Institute – Region IV-A ng Department of Agriculture sa pakikipagtulungan ng National Meat Inspection Service (NMIS) – Region IV-A at pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa pamamagitan ng Provincial Veterinary Office.

 

Layunin ng pagsasanay na mabigyan ng mga bagong kaalaman at kakayahan ang mga meat inspectors sa basic meat inspection work and regulations. Gayundin, maituro ang mga legal aspects kaugnay ng meat inspection at mahikayat ang mga locally registered meat establishment na ma-improve ang kanilang hygienic production ng karne.

 

Ayon sa datos ng  NMIS, karamihan sa mga umiiral na slaughterhouse o bahay-katayan sa lalawigan ng Quezon ay kasalukuyang hindi accredited ng NMIS ngunit nagsu-suplay ng mga karne at mga meat product sa probinsya. Sa gayon, sila ay nag-o-operate bilang Locally Registered Meat Establishments (LRME).

 

Isa sa mga programa ng NMIS para palakasin at suportahan ang mga local government units (LGU) sa pagbuo ng local meat inspection ay ang pagpapatupad ng DA AO 19 series of 2010, Guidelines on Good Hygienic Slaughtering Practices.

 

Samantala, patuloy naman ang programa ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez sa pamamagitan ng Provincial Veterinary Office sa pamumuno ni Dr. Flomel Caguicla sa pagsisiguro na malinis at ligtas kainin ang mga karneng kinakatay sa lalawigan ng Quezon, gayundin ang mga karneng pumasok sa probinsya. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK